AKING MGA SITES
Thursday, February 19, 2015
ANG KAHALAGAHAN NG PAGIGING ISANG MUSLIM....
Sa Ngalan ng Allâh – Ang Mahabagin, Ang Maawain
Luwalhatiin natin ang Allâh(swt) na Siyang nagbigay ng patnubay sa atin upang tayo ay mapabilang sa mga nilikhang sumasamba at kumikilala sa Kanyang Kaisahan. Ang KAHALAGAHAN NG PAGIGING ISANG MUSLIM ng sinumang tao isang bagay na hindi mapapantayan ng anumang bagay dito sa mundo. Katotohang ito ang pinakamataas na antas na nararapat mithiin ng isang tao – ang maging isang Muslim; at makilalang lubos ang kanyang Tagapaglikha at gampanan ang kanyang mga tungkuling upang magkaroon siya ng kapayapaan sa kanyang puso at isipan. Mahalagang-mahalaga sa isang nilikha ang magabayan ng Dakilang Tagapaglikha sa matuwid ng landas ng buhay at mapag-alamang walang ibang Diyos na nararapat sambahin maliban sa Allâh(swt).
Ito ang isang bagay na kailangang pahalagahan ng bawa’t Muslim, sapagka’t anumang bagay ang itinatangi ng sinuman sa atin ay maituturing na pangalawa lamang kung ikukumpara sa kabutihang maidudulot sa kanya ng pagiging isang Muslim.
Ang mga kayamanan, magagandang tahanan, mataas na propesyon kabilang na rito ang ating asawa o ang ating mga asawa; ay pawang mga biyayang nagmula sa Allâh(swt) na ipinagkakaloob Niya sa sinumang Kanyang gustong pagkalooban nito habang ang isang tao ay pansamantalang namumuhay dito sa mundo. Dapat nating malaman na ang lahat ng ito ay pansamantala lamang at matatamasa lamang natin ang kaginhawahang dulot nito habang tao ay pansamantalang nabubuhay; subali't kapag dumating ang kamatayan sa bawa't isa sa atin, ang lahat ng ito ay iiwan natin at wala itong maitutulong sa atin sa Kabilang Buhay malibang ito ay ginamit natin sa paglilingkod sa Allâh(swt).
Katunayan, ang pagiging isang Muslim ang pinakamainam na kaganapan sa ating buhay. Sapagka’t ito ang natatanging dahilan na maghahatid sa atin sa tagumpay sa mundong ito at sa Kabilang Buhay. Kaya naman, anuman ang katayuan ng isang tao, mahalagang makilala niya ang Allâh(swt) na Siyang nagbigay-buhay sa kanya.
Ayon sa talaan ng bilang ng tao sa buong sanlibutan, tayo ay umabot na sa mahigit anim na bilyon ang bilang, at ang bumubuo sa dalampung porsiyento (20 %) nito ay pawang mga Muslim. Bagama’t malaki ang bilang na nakapaloob sa talaang ito, nakakalungkot isipin na marami sa ating mga kapatid sa pananampalataya ang nagpapabaya sa kanilang mga tungkulin.
Nakaligtaan nila ang kabutihang naidudulot ng pagiging Muslim ng isang tao. Bilang pagpaparangal sa mga mananampalataya, kinilala ng Allâh(swt) ang pamayanang Muslim na pinakamainam na pamayanang nabuhay sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Ayon sa pagkakasalin sa pinakamalapit na kahulugan na ating matatagpuan sa Banal na Qur’an, ang Allâh(swt) ay nagsabi:
Kayo ang pinakamabuting pamayanan na namuhay sa sangkatauhan, sapagka’t inyong ipinag-uutos ang Al Ma’aruf (mga mabuting gawaing pinahihintulutan) at ipinagbabawal ang Al Munkar (mga masamang gawaing ipinagbabawal) at kayo ay naniniwala sa Allâh. (Al Imran-3:110)
Malaking karangalan ng bawa’t Muslim mula sa kanyang Tagapaglikha na maihanay sa pamayanang Kanyang tinaguriang pinakamainam na pamayanan sa kasaysayang ng buong sangkatauhan. Bilang isang Muslim dapat nating lubos na maunawaan na walang anumang bagay ang mas hihigit pa rito, subali’t naitanong ba natin sa ating sarili kung tayo nga ba ay nabibilang sa pamayanang ito? Bilang isang Muslim, maihahanay mo ba ang iyong sarili sa ganitong kalagayan? Malinaw sa talatang nabanggit na tayong mga Muslim ay kabilang sa pamayanang ito, sapagka’t ating ipinag-uutos ang Al Maruf (mga mabuting gawaing pinahihintulutan) at ipinagbabawal ang Al Munkar (mga masamang gawaing ipinagbabawal) at tayo ay naniniwala sa Allâh(swt).
Maraming tao ang nagsasabi (Muslim man o hindi) na nalalaman nila kung ano ang masama at kung ano ang mabuti at sila ay nagtataguyod ng kabutihan at umiiwas sa kasamaan. Subali’t ang mahalagang bagay na ating nakamtan bilang mga Muslim ay ang pagkakilala natin sa ating Tagapaglikha. Gayunpaman, mga minamahal na kapatid sa pananampalatayang Islam, hindi sapat na tayo ay naniniwala lamang. Kailangang isabuhay natin ang mga bagay na Kanyang pinahihintulutan at iwasan natin ang mga bagay na Kanyang ipinagbabawal sa abot ng ating makakaya. Bilang tao ay huwag nating gawing dahilan na tayo ay nagtataglay ng kahinaan kung kaya’t wala tayong sapat na kakayahan upang labanan ang mga bagay na magtutulak sa atin tungo sa paggawa ng kasalanan. Magpasakop tayo sa Allâh(swt) laban sa kahinaan ng ating mga sarili at manikluhod tayo ng Kanyang habag para sa ikadadalisay ng ating kaluluwa dito sa mundong ito at higit sa lahat sa Kabilang Buhay.
Tunghayan natin ang isa pang talata mula sa Banal na Qur’an kung saan inilarawan ng Allâh(swt) ang katangian ng isang mabuting nilikha.
Ayon sa pagkakasalin:
Katotohanan, silang naniniwala at gumagawa ng mabuti (naniniwala sa Kaisahan ng Allâh at sinusunod ang Sunnah ni Propeta Muhammad(saws)), sila ang pinakamabuti sa mga nilikha. (Al Baiyinah-98:7)
Ayon sa pagpapaliwanag ng talatang nabanggit, sinuman ang naniwala sa Kaisahan ng Allâh at gumawa ng kabutihang naaayon sa Sunnah ni Propeta Muhammad(saws), siya ay maihahanay sa pinakamabuting nilikha. Luwalhatiin natin ang Allâh(swt) sa pagbibigay Niya sa atin ng pagkakataong sumunod, sumuko at pagtalima sa Kanyang mga Batas.
Ang mga talatang ito ay ilan lamang sa napakaraming mga talata na nagtatanghal sa ating mga Muslim bilang mga natatanging nilikha ng Allâh(swt); mga bagay na madadala natin hanggang sa ating mga libingan; at makatutulong sa atin upang tayo ay magtagumpay sa mundong ito at sa kabilang buhay.
Panghawakan natin ang ating pananampalataya; dalisayin natin ang bawa't layunin sa anumang gawaing pagsambang nais nating iukol sa Allâh(swt) bilang Nag-iisang Diyos na nararapat sambahin; isabuhay natin ang katuruan ng Islam ayon sa pamamaraan ni Propeta Muhammad(saws); pasalamatan natin an gating Panginoon sa Gabay at Patnubay na ipinagkaloob Niya sa atin; isapuso natin ang bawa't katuruang ating matututunan; ibahagi natin sa ating mga mahal sa buhay ang kagandahang dulot ng ating relihiyon; at higit sa lahat ay gawin nating isang mabuting halimbawa ang mga sarili upang ilarawan ang KAHALAGAHAN NG PAGIGING ISANG MUSLIM.
Bilang panghuli, panghawakan natin ang kaalamang nakapaloob sa isang Hadith ni Propeta Muhammad(saws) na matatagpuan sa Sahih Bukhari:
Iniulat ni Anas na si Propeta Muhammad(saws) ay nagsabi: "Sinuman ang nagtataglay ng tatlong mahahalagang katangiang ito ay magkakaroon ng tunay na kaligahayan o tamis ng pananampalataya:
1. Ang sinumang minamahal Allâh(swt) at si Propeta Muhammad(saws) ng higit sa sinuman.
2. Ang sinumang minamahal niya ang isang tao at minamahal niya ito upang kalugdan siya ng Allâh(swt).
3. At ang sinumang kinamumuhian niyang muling bumalik sa pagiging politista (hindi mananampalataya); tulad ng pagkamuhi niyang maitapos sa Apoy ng Impiyerno.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment