Pages

Sunday, January 17, 2016

ANO ANG MAGAGAWA SA LOOB NG ISANG MINUTO?

Katanungan:
Sa ating opisina at pinagtatrabahuan, nahihirapan tayong humanap ng oras para magsagawa ng mga kilos pagsamba at ilan pang mga mabubuting gawa. Ano ang maaaring gawin sa kaunting oras na ating masusumpungan sa ating maghapon? Paano natin ito magagamit?
Kasagutan:
Magbigay ng Papuri sa Allaah.
Ang oras ay sadyang mahalaga upang sayangin o hindi bigyang-pansin. Ang taong matalino ay yaong pinahahalagahan ang kanyang oras at hindi niya ito itinuturing na sisidlang paglalagyan ng mga bagay at pananalitang walang halaga at kapakinabangan. Sa halip, ginagamit niya ito sa pagsasagawa ng mga kabutihang kalulugdan ng Allaah at makatutulong sa ibang tao. Ang bawa’t minuto sa buhay ng isang tao ay maaaring makapag-angat ng kanyang katayuan at makapagdulot ng kasiyahan sa ibang tao.
Kung nais makamit ang pinakamataas na katayuan at makapagbigay-saya sa ibang tao, tanggalin sa isipan ang pasasawalang-bahala at iwasan ang walang-kabuluhang pag-aaliw.
Sa loob ng isang minuto, marami maisasagawang kabutihan at makakamit na gantimpala. Sa pamamagitan ng pagbibigay-limos, pag-aaral, pagsasaulo, o pagsisikap sa paggawa ng kabutihan, makatitiyak ang sinuman na ang isang minutong ito sa buhay ay hindi nasayang. Ang isang minuto ay maitatala sa talaan ng mabuting gawa sa sinumang may kaalaman kung paano ito gagamitin at iingatan.
Gawin ang makakaya upang magamit nang maayos ang bawa’t isang minuto. Kung makaligtaan ito, hindi malayong makaliligtaan din ang pinakamahalagang bagay—ang katotohanan.
May mga bagay na maaaring gawin sa loob ng isang minuto, sa kapahintulutan ng Allaah:
Sa loob ng isang minuto, maaaring bigkasin ang Soorat al-Faatihah ng 3 ulit nang tahimik. May ilang pantas na nagsasabi na ang gantimpala sa pagbabasa ng al-Faatihah ay mahigit sa 600 hasanaat. Kaya sinumang nakapagbasa ng 3 ulit, sa kapahintulutan ng Allaah, magkakamit siya ng 1800 hasanaat—lahat sa loob lamang ng isang minuto.
Sa loob ng isang minuto, maaaring bigkasin ang Soorat al-Ikhlaas ng 20 ulit nang tahimik. Ang pagbigkas nito ng 1 ulit ay katumbas ng 1/3 ng Qur’an. Kung binasa ito ng 20 ulit, katumbas ito ng pagbabasa ng Qur’an ng 7 ulit. Kaya kung babasahin ito ng 20 ulit sa isang minuto sa bawat araw, mababasa ito ng 600 ulit sa loob ng isang buwan, at 7200 ulit sa loob ng isang taon, at ang lahat ng ito ay katumbas ng gantimpala na makukuha mula sa pagbabasa ng Qur’an ng 2400 ulit.
Maaaring basahin ang isang pahina ng Qur’an sa loob ng isang minuto. Maaari ring isaulo ang isang ayah ng Qur’an sa loob ng isang minuto.
Sa loob ng isang minuto, maaaring bigkasin ang Laa ilaaha ill-Allaah wahdahu laa shareeka-lahu lahu’l-mulk wa lahu’l-hamd wa huwa ‘ala kulli shay’in qadeer (Walang tunay na Diyos na karapat-dapat samabahin maliban sa Allaah at wala Siyang katambal; sa Kanya ang Kapangyarihan at Pagpupuri, at Siya ang makagagawa ng lahat ng bagay) ng 20 ulit. Ang gantimpalang makukuha mula sa pagbigkas nito ay katulad ng pagpapalaya ng 8 alipin para sa Allaah.
Sa loob ng isang minuto, maaari mong bigkasin ang Subhaan Allaahi wa bi hamdhi (Ang Luwalhati at Pagpupuri ay sa Allaah) ng 100 ulit. Sinumang bumigkas nito sa isang araw ay mapapatawad ang kanyang mga kasalanan kahit na ang mga ito ay kasing-dami ng mga bula sa dagat.
Sa loob ng isang minuto, maaari mong bigkasin ang ang Subhaan Allaahi wa bi hamdihi Subhaan Allaah il-Azeem (Ang Kaluwalhatian at Pagpupuri ay sa Allaah, Ang Luwalhati ay sa Allaah, Ang Pinakamakapangyarihan) ng 50 ulit. Ang dalawang pangungusap na ito na sadyang magaan sa dila ay mabigat sa timbangan at kinalulugdan ng Allaah, ang Maawain, ayon sa salaysay nina al-Bukhaari at Muslim.
Ang Propeta (Sallallaahu’ Alaihi Wa Sallam) ay nagsabi: “Kapag binigkas ko ang Subhaan Allaah, wa’l-hamdu Lillah, wa laa ilaah ill-Allaah, wa Allaahu akbar (Ang Kaluwalhatian ay sa Allaah, ang Pagpupuri ay sa Allaah, walang tunay na Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allaah, at ang Allaah ang Dakila),’ ito ay higit na kalugud-lugod sa akin kaysa anumang bagay na sinisikatan ng araw. (Isinalaysay ni Muslim). Sa loob ng isang minuto maaaring bigkasin ang mga salitang ito ng 18 ulit. Ang mga salitang ito ay sadyang kinalulugdan ng Allaah, ang pinakamainam sa Allaah, at mabigat sa timbangan ng mabubuting gawa, ayon sa salaysay sa saheeh al ahaadeeth.
Sa loob ng isang minuto, maaaring bigkasin ang Laa hawla wa laa quwwata illa Billaah (walang lakas at kakayahaan maliban sa Allaah) nang mahigit sa 40 ulit. Ito ay isa sa mga kayamanan ng Paraiso, ayon sa salaysay nina al-Bukhaari at Muslim. Ito rin ay pamamaraan upang makayanan ang mga pagsubok at paghihirap at ang pag-aasam na makamtan ang mga dakilang bagay.
Sa loob ng isang minuto, maaaring bigkasin ang La illaaha ill-Allaah ng 50 ulit. Ito ang pinakadakilang salita sapagka’t ito ang salita ng Tawheed, ang mabuting salita, ang salitang nananatiling matatag. Kapag ito ang huling salitang binanggit na isang tao bago siya mamatay, siya ay papasok sa Paraiso, at may iba pang mga salaysay na nagpapatunay kung gaano kadakila ang salitang ito.
Sa loob ng isang minuto, maaaring bigkasin ang Subhaan Allaahi wa bi hamdih, ‘adada khalqihi, wa ridaa nafsihi, wazinata ‘ashihi , wa midaada kalimaatihi (Ang Luwalhati at Pagpupuri ay sa Allaah, tulad sa bilang ng Kanyang mga nilikha, tulad sa kung ano ang ninanais Niya, tulad ng timbang ng Kanyang trono, at tulad ng tinta ng Kanyang mga Salita) ng higit sa 15 ulit. Ang mga salitang ito ay magkakaloob ng maraming bilang na gantimpala kaysa ibang mga tasbeeh at dhikr, ayon sa salaysay sa saheeh alhaadeeth ng Propeta (Sallallaahu’ Alaihi Wa Sallam).
Sa loob ng isang minuto, maaaring humingi ng kapatawaran sa Allaah ng mahigit 100 ulit sa pamamagitan ng pagbigkas ng “Astaghfiru'llaah (Humihingi ako ng tawad sa Allaah). Ang kabutihan ng paghingi ng tawad ay hindi lingid sa ating kaalaman sapagka’t ito ay paraan ng pagkakamit ng kapatawaran at pagpasok sa Paraiso. Ito rin ang paraan ng pagkakamit ng magandang buhay, pagkakaroon ng karagdagang lakas, pag-iwas sa mga sakuna, pagpapadali sa mga bagay-bagay, pagbuhos ng ulan, at karagdagang ari-arian at mga anak.
Maaaring bumigkas ng iilan nguni’t makahulugang mga salita sa loob ng isang minuto, magdudulot ang Allaah ng mga mabubuting bagay bunsod nito nang hindi mo aakalain.
Sa loob ng isang minuto, maaaring humingi ng biyaya para sa Propeta ((Sallallaahu’ Alaihi Wa Sallam) nang 50 ulit sa pamamagitan ng pagbigkas ng Sall-Allaahu ‘alayhi wa sallam (Nawa’y pagpalain siya ng Allaah at dulutan siya ng kapayapaan). Kapalit nito, pagkakalooban ng Allaah ang sinumang bumigkas nito ng 500 ulit na biyaya dahil ang isang biyaya ay katumbas ng 10 ulit na tulad nito.
Sa loob ng isang minuto, maaaring hikayatin ang iyong puso na magpasalamat sa Allaah, mahalin Siya, matakot sa Kanya, umasa nang dahil sa Kanya, at maglakbay sa mga baitang ng ‘uboodiyyah (pangkalahatang pagkaalipin para sa Allaah). Magagawa mo ito kahit habang nakahiga sa iyong higaan o kaya'y habang naglalakad sa daan.
Sa loob ng isang minuto, maaaring magbasa ng dalawang pahina ng isang mahalagang aklat o babasahin na madaling intindihin.
Sa loob ng isang minuto, maaaring patatagin ang bukluran ng iyong pamilya at kamag-anakan sa pamamagitan ng pagtawag sa kanila sa telepono.
Maaaring itaas ang iyong mga kamay at humiling o magsagawa ng du’a sa loob ng isang minuto.
Maaaring magbigay salaam sa ilang bilang ng tao sa loob ng isang minuto.
Maaaring magbawal ng isang masamang gawain sa loob ng isang minuto.
Maaaring manghikayat ng isang mabuting gawain sa loob ng isang minuto.
Maaaring magbigay ng isang matapat na payo sa isang kapatid sa loob ng isang minuto.
Maaaring gawing magaan ang loob ng isang kapatid na nakararanas ng kalungkutan, sa loob ng isang minuto.
Maaaring alisin ang isang bagay sa daan na maaaring makapinsala, sa loob ng isang minuto.
Ang paggawa ng bagay na makabuluhan sa loob ng isang minuto ay maghihikayat sa iyo upang umiwas sa mga bagay na maaaring makapag-aksaya sa iyong oras.
Si Shaafa’i (nawa’y kalugdan siya ng Allaah) ay nagsabi: Kapag ang mga tao ay matutulog na, hinahayaan kong tumulo ang aking mga luha at binibigkas ko ang pinaka mahuhusay na talata – Qur’an.
Hindi ba pag-aaksaya na hayaang lumipas ang mga gabi nang hindi nadaragdagan ang ating kaalaman, samantalang ang oras na ito ay nabibilang sa ating buhay?
At ang panghuli, kung gaano ang ating katapatan sa Allaah at kung gaano natin Siya nakikilala, ganoon din karami ang bilang ng ating gantimpala at makararagdag sa ating hasanaat.
Pakaisipin natin na ang mga gawaing ito ay hindi nangangailangan ng anuman mula sa atin, ni hindi ito nangangailangan ng Tahaarah (kadalisayan) at ni hindi ito nakapapagod. Sa halip, maaari itong gawin kahit tayo’y naglalakad o nasa loob ng sasakyan, nakahiga, nakatayo, nakaupo, o habang may hinihintay.
Ang mga pagkilos na ito ay kabilang sa mga paraan upang magkamit ng kaligayahan, nakapagpapaaliwalas sa dibdib (sa pamamagitan ng pagdudulot ng ginhawa at lugod) at nakapagtatanggal ng kapaguran at pagkabalisa. Nawa’y tulungan tayo ng Allaah na maisagawa ang mga bagay na Kanyang kinalulugdan at nagugustuhan. At nawa’y igawad Niya ang Kanyang biyaya sa ating Propeta Muhammad.
ANO ANG MAGAGAWA MO SA LOOB NG 10 MINUTO?
Naririto ang listahan ng sampung bagay na hindi nangangailangan ng mahigit sa 10 minuto ng ating oras. Kung mauunawaan lamang natin ang kaligayahang maidudulot nito sa ating buhay dito sa daigdig at maging sa kabila, gugugulin natin ang ating buhay sa paggawa ng mga ito:
1. Magsagawa ng 2 rakaat (Salatul Duha) sa anumang oras sa pagitan ng pagsikat ng araw at bago dumating ang Salatul Dhuhr.
Si Abu Hurayrah, radi Allahu anhu ay nagsabi, “Ang aking khaleel, ang Sugo ng Allah ay nagpayo sa akin na gawin ang tatlong bagay: (1) Na ako ay mag-ayuno ng 3 araw sa bawa’t buwan, (2) na magsagawa ng 2 rakaat ng Duha, at (3) Na ako ay magsagawa ng Witr bago matulog. (Bukhari at Muslim).
2. Ipagdasal ang RasulAllah (S.A.W.)
Ang Propeta ((Sallallaahu’ Alaihi Wa Sallam) ay nagsabi: “Sinuman ang ipinagdarasal ako ng kahit minsan, binibiyayaan ng Allah ang taong iyon ng 10 ulit (nang dahil sa kanyang dasal).” (Muslim).
3. Ulitin ang sinasabi ng Mu’adhdhin.
Si Abdullah ibn Amr ay nagsalaysay: May isang lalaki na nagsabi: “O Sugo ng Allah, ang mga taong tumatawag ng pagdarasal ay nakatatanggap nang higit na maraming gantimpala kaysa sa amin.”
Kaya tumugon ang Sugo ng Allah: “Sabihin mo kung ano ang kanilang sinasabi, at kapag ika’y natapos, manalangin (du’a) ka ng kahit ano at ito ay ipagkakaloob sa iyo.” (Abu Dawood).
4. Bigkasin ang SubhanAllah nang 100 ulit.
Si Mus’ab ibn Sa’d ay nagsabi: Nasabi sa akin ng aking ama na noong kasama niya ang Sugo ng Allah, siya ay nagsabi: “Mayroon bang isa sa inyo na may kakayahang magkamit ng 1000 hasanaat (mabubuting gawa) araw-araw? Hayaan siyang magsagawa ng Tasbeeh (SubhanAllah) ng 100 ulit at ito ay maitatala sa kanya bilang 1000 hasanaat o 1000 na kasalanan ay maaalis sa kanyang talaan.” (Muslim).
5. Maglaro kasama ng iyong mga anak alang-alang sa Allah.
Si Jabir ay nagsalaysay: Kasama namin ang Sugo ng Allah, na papunta sa isang paanyaya upang kumain nang madaanan namin si Al-Husayn na naglalaro sa daraanan kasama ang ibang batang Ansar. Ang Sugo ng Allah, ay naglakad nang higit na mabilis upang habulin ito at makipaglaro. Inilabas niya ang kanyang kamay upang kunin ito ngunit si Al-Husayn ay tumakbo at tuwang-tuwang naghumiyaw, hanggang sa mahuli siya ng Sugo ng Allah. Matapos ito, hinawakan ng Sugo ng Allah ang baba ni Al-Husayn sa isang kamay habang ang isa ay nakahawak sa ulo nito, at hinalikan niya ito at niyakap. (Bukhari).
6. Magsagawa ng Du’a nang madalas sa panahon ng kaginhawaan.
Ang RasulAllah ay nagsabi: “Sinuman ang humihiling sa Allah na dinggin ang kanyang mga pagdarasal sa oras ng kalamidad at paghihirap, hayaang dagdagan niya ang kanyang pagdarasal sa mga oras ng kaginhawaan.” Tirmidhi at Al Hakim).
Ang RasulAllah ay nagsabi: “Sinuman sa inyo na matapos maisagawa ang kanyang wudu ay magsabi: ‘Ash hadu an laa ilaaha illaa Allaah, was ashhadu anna Muhammadan ‘Abduhu wa Rasooluh (Sumasaksi ako na walang tunay na Diyos na karapat-dapat sambahin maliban sa Allah at si Muhammad ay kanyang alipin at Sugo), ang walong tarangkahan ng Jannah ay magbubukas para sa kanya at hahayaan siyang pumasok sa alin man dito na kanyang nanaisin.” (Muslim)
7. Kunin ang telepono at tawagan ang iyong ina (o sinumang malapit na kamag-anak) at sabihin sa kanila kung gaano mo sila kamahal.
Ang RasulAllah ay nagsabi: “Ang Wasil (Sinumang tumutupad sa mga karapatan ng kanyang mga kamag-anak) ay hindi yaong gumagawa ng mabuti sa mga miyembro ng kanyang pamilya kapag ang mga iyon ay gumagawa ng mabuti sa kanya, bagkus ang Wasil ay yaong itinatakwil ng mga miyembro ng kanyang pamilya subali’t ginagawan pa rin niya ang mga ito ng kabutihan.” (Bukhari).
8. Sa loob ng kaunting minuto, bigyang pansin at magmuni-muni sa mga nakabibighaning mga likha ng Allah, ang iyong mga mata, ang iyong boses, at ang iyong buong katawan. Ang Allah ay nagsasabi sa Qur’an:
“At sa mundo ay mga palatandaan para sa mga may katiyakan (sa pananampalataya). At sa inyong mga sarili, hindi ba kayo makakakita (at mag-iisip)? (Az-Zariyat 51:20-21)
9. Magbahagi ng iyong pagkain sa iba.
Ang RasulAllah ay nagsabi: “O Abu Dharr! Kung magluluto ko ng sabaw, dagdagan mo ito ng tubig, hanapin ang iyong mga kapitbahay at bigyan sila nito.” (Muslim).
10. Ipanalangin (du’a) ang iyong kapatid sa panahong siya ay wala.
Ang RasulAllah ay nagsabi: “Kapag ang isang tao ay nagdarasal para sa kanyang kapatid sa panahong siya ay wala (at hindi niya nalalaman), isang anghel (na naririnig ang du’a) ang sumasagot: ‘Ameen! Nawa’y bigyan ka rin ng Allah ng katulad nito.’
Katunayan, kapag ang mga Sahaabah at Taabi’een ay nagnanais na magkaroon kaagad ng kasagutan ang kanilang du’a, hihilingin rin nila ang bagay na iyon para sa kanilang kapatid upang ang anghel ay sumagot ng, ‘Ameen! Nawa’y bigyan ka rin ng Allaah ng katulad nito.’
InshaAllah gawin natin ang mga ito, at nawa'y kahit papaano’y makakuha tayo ng isang bagay mula sa listahang ito na maisasagawa natin sa mga susunod na araw o linggo. At pagkatapos na ito ay makasanayan at gawin nang palagian, sumubok uli tayo na isa pa at atin itong ipagpatuloy. Ito ang pamamaraan upang tayo ay patuloy na sumibol.


No comments:

Post a Comment

Share