Pages

Saturday, January 16, 2016

Paano Maging Isang Mabuting Muslim?


Sa Ngalan ng Allâh – Ang Mapagpala, Ang Mahabagin

Ang lahat ng pasasalamat at papuri ay sa Allâh(swt) lamang – ang Panginoon ng mga daigdig. Ako ay sumasaksi na walang Tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Allâh – ang Nag-iisa at Walang Katambal. At ako ay sumasaksi na si Muhammad(saws) ay Kanyang Alipin at Sugo. Nawa’y ipagkaloob ng Allâh(swt) ang Kanyang kapayapaan at pagpapala kay Propeta Muhammad(saws), sa kanyang mga pamilya at kasamahan, at sa lahat ng taong tumatahak sa tuwid na landas hanggang sa Araw ng Paghuhukom.

Ang layunin sa paghahanda ng aklat na ito ay ipaabot ang ilang mahahalagang tungkulin ng isang Muslim na naghahangad makamtan ang minimithing Paraiso ng kanyang Panginoon sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

Luwalhatiin natin ang Allâh(swt) na Siyang nagbigay ng patnubay upang tayo'y mapabilang sa mga nilikhang sumasamba at kumikilala sa Kanyang Kaisahan. Ito ang pinakamataas na kaalaman ng isang tao – ang makilalang lubos ang kanyang Tagapaglikha at mapag-alamang walang ibang Diyos na nararapat sambahin maliban sa Kanya. Ito ang isang bagay na kailangang malaman ng bawa't tao, sapagka’t anuman ang kanyang taglay na yaman o magandang katayuan dito sa mundo ay hindi pa rin maikukumpara sa biyayang makakamtan sa pagiging isang Muslim (sumusuko sa kalooban ng Allâh). Ang mga kayamanan, magagandang tahanan at matataas na propesyon ay pawang mga biyayang nagmula sa Allâh(swt) na Kanyang ipinagkaloob sa tao sa pansamantalang pamumuhay niya dito sa mundo. Subali’t ang lahat ng ito ay walang maitutulong sa tao sa Kabilang Buhay malibang ito ay gamitin niya sa paglilingkod sa Kanya. Katunayan, ang pagiging isang Muslim ay ang pinakamainam na kaganapan sa buhay, sapagka't ito ang natatanging dahilan na maghahatid sa kanya tungo sa tagumpay sa mundong ito at sa Kabilang Buhay. Kaya naman, anuman ang katayuan ng isang nilikha, mahalagang makilala niya at sambahin ang Allâh(swt) na Siyang nagbigay-buhay sa kanya.

Bilang mananampalataya, kinilala ng Allâh(swt) ang pamayanang Muslim na pinakamahusay na pamayanang itinayo sa sangkatauhan. Ayon sa kahulugan ng pagpapaliwanag ng Banal na Qur'an, ating matutunghayan na sinabi ng Allâh(swt):

Kayo ang pinakamahusay na pamayanang itinatag sa sangkatauhan, sapagka’t inyong ipinag-uutos ang Ma’aruf (mabuti) at ipinagbabawal ang Munkar (masama,) at kayo ay naniniwala sa Allâh. (Al Imran-3:110)

Isang karangalan sa bawa't Muslim na maihanay siya ng Kanyang Tagapaglikha sa pamayanang pinakamahusay sa buong sangkatauhan. Walang anumang bagay ang hihigit pa rito. Subali't naitanong na ba natin sa ating sarili kung tayo nga ba'y tunay na nabibilang sa pamayanang ito? Nagagampanan ba natin nang buong puso ang malinaw na nakasaad sa talatang nabanggit na ating ipinag-uutos ang Ma’aruf (mabuti) at ipinagbabawal ang Munkar (masama), at tayo ay naniniwala sa Allâh(swt).

Maraming tao, Muslim man o hindi, ang nagsasabing batid nila kung ano ang masama at kung ano ang mabuti at sila ma’y nagtataguyod ng kabutihan at umiiwas sa kasamaan. Subali’t ang mahalagang bagay na ating nakamtan ay ang ating pagkilala at paniniwala sa ating Tagapaglikha. Natutuhan natin sa Kanyang mga pahayag sa pamamagitan ng Kanyang huling Sugo na si Muhammad kung ano ang mabuti na dapat tupdin at kung ano ang masama na dapat iwasan. Tanging ang Allâh(swt) lamang ang may karapatang magsabi kung ano ang tama at kung ano ang mali dahil Siya lamang ang may karapatang magbigay batas sa Kanyang mga nilikha. Kaya naman, ang Kanyang gantimpala at habag ay nakalaan lamang sa mga naniniwala sa Kanya.

Ang paniniwala sa Allâh(swt) ay hindi sapat. Kailangan nating tupdin ang mga bagay na Kanyang ipinag-uutos at iwasan ang mga bagay na Kanyang ipinagbabawal sa abot ng ating makakaya. Huwag nating gawing dahilan na tayo’y tao lamang na nagtataglay ng kahinaan at piliin na lamang manatili sa pagkakamali. Dapat nating iwasan at paglabanan ang mga bagay na magtutulak sa atin tungo sa paggawa ng kasalanan sa pamamagitan ng pagpapakupkop sa Allâh(swt) laban sa kahinaan ng ating mga sarili, at manikluhod tayo sa Kanyang habag para sa ikadadalisay ng ating kaluluwa tungo sa katiwasayan dito sa mundo at sa pangakong Paraiso sa Kabilang Buhay.

Tunghayan natin ang kahulugan ng isang talata sa Banal na Qur'an kung saan inilarawan ng Allâh(swt) ang katangian ng isang mabuting nilikha.

Katotohanan, silang naniniwala (sa Kaisahan ng Allâh at sa Kanyang Sugo na si Muhammad(saws)) at gumagawa ng mabuti, sila ang pinakamahusay sa mga nilikha. (Al Baiyinah-98:7)

Ayon sa pagpapaliwanag sa talatang nabanggit, sinuman ang naniniwala sa Kaisahan ng Allâh at gumagawa ng mabuti ayon sa Sunnah ni Propeta Muhammad(saws), siya ay maihahanay sa pinakamahusay na nilikha. Luwalhatiin natin ang Allâh(swt) sa pagkilalang ito sa bawa’t taong may lubos na pagsunod, pagsuko at pagtalima sa Kanyang mga batas. Dapat tandaan na ang bawa’t gawaing mabuti ay nararapat na may dalisay na layuning makapagbigay kasiyahan sa Allâh(swt) at ang pamamaraan ng pagsagawa nito ay nararapat na naaayon sa Sunnah ng Kanyang Propeta(saws).

Ang pangunahing bagay na nararapat gawin ng isang Muslim ay matakot sa Allâh(swt).

Ang pangunahing kondisyon na nararapat taglayin ng isang Muslim ay ang pagkakaroon ng takot sa kanyang Tagapaglikha – ang Dakilang Allâh. Upang magampanan ang mga bagay-bagay na nauukol sa ating pananampalataya, mahalagang maunawaan ng bawa't Muslim na ang paniniwala sa Kaisahan ng Allâh(swt) ay hindi sapat. Tunghayan natin ang sinabi ng Allâh(swt) sa Banal na Qur'an ayon sa pagkakapaliwanag ng kahulugan:

Ang mga mananampalataya ay yaon lamang na kapag ang Pangalan ng Allâh ay nabanggit, nakararamdam ng takot ang kanilang mga puso, at kapag ang Kanyang Ayat (mga talata ng Qur’an) ay binibigkas sa kanila, ang mga ito (Ayat) ay nakararagdag sa kanilang pananampalataya, at sa kanilang Panginoon (Rabb) lamang nila ibinibigay ang kanilang tiwala. (Al Anfal-8:2)

Ayon sa talatang nabanggit, ang taong may takot sa Allâh(swt) ay yaong nakararamdam ng takot kapag kanyang naririnig ang Pangalan ng Allâh(swt). At kapag nakarinig ng talata mula sa Banal na Qur’an, ang mensahe nito ay nagbibigay lakas sa kanyang pananampalataya. Ang mga talatang ito ay nagsisilbing inspirasyon sa pagpapatibay ng kanyang pananampalataya, at lumalakas ang kanyang tiwala sa sarili upang tupdin ang pagnanais niyang gumawa ng mabuti. Sa iba pang talata:

O kayong mananampalataya! Matakot kayo sa Allâh nang may tunay na pagkatakot sa Kanya, at huwag mamatay malibang kayo ay mga Muslim (sumusuko sa kalooban ng Allâh). (Al-Imran-3:102)

Ipinahayag ng Allâh(swt) na tayo’y magkaroon ng takot sa Kanya, subali’t kailangang ang takot na ito ay makatotohanan – na tayo’y nararapat na sumunod sa Kanyang ipinag-uutos at umiwas sa Kanyang mga ipinagbabawal.

Sa isang Hadith inilarawan ng Sugo(saws) ang katayuan ng isang taong lumalabas sa Islam kapag siya’y gumagawa ng mga ipinagbabawal.

Iniulat ni Ikrima mula kay Ibn Abbas(raa) na ang Sugo ng Allâh(saws) ay nagsabi:

"Kapag ang isang alipin ng Allâh(swt) ay gumawa ng pakikiapid (ang pakikipagtalik sa hindi niya asawa), siya’y itinuturing na isang hindi mananampalataya sa pagkakataong ginagawa niya ang kasalanang iyon. At kapag siya ay nagnakaw, siya ay itinuturing na isang hindi mananampalataya sa pagkakataong ginagawa niya ang pagnanakaw, at kapag siya ay uminom ng bawal na inumin (inuming nakalalasing), siya ay itinuturing na isang hindi mananampalataya sa pagkakataong ginagawa niya ang kasalanang iyon. Gayundin naman, kapag siya ay pumatay ng tao.” Tinanong ni Ikrima si Ibn Abbas at nagsabi: “Papaanong ang kanyang pananampalataya ay inaalis sa kanya? Sinabi niya: “Tulad nito” sa pamamagitan ng pagdadaop ng kanyang mga kamay at pagkaraan ay pinaghiwalay niya ang mga ito, at muli’y kanyang sinabi: “Subali't kung siya ay nagsisi sa kanyang nagawang kasalanan, ang kanyang pananampalataya ay manunumbalik sa kanya na tulad nito, at muli niyang pinagdaop ang kanyang mga kamay.” (Sahih Bukhari Vol 8. Hadith # 800B)

Kaya iwasan nating gumawa ng mga bagay na ipinagbababawal ng Islam upang sa gayo’y manatili tayo sa pagiging mananampalataya sa lahat ng panahon. Maging matakot sa Allâh(swt) upang ilayo ang sarili sa mga gawaing makapaghahatid sa atin sa Impiyerno.

Tunghayan natin ang isang talata mula sa Banal na Qur’an ayon sa pagkakapaliwanag ng kahulugan nito:

Kaya maniwala sa Allâh at sa Kanyang mga Sugo. At kung kayo ay maniwala at matakot sa Allah, magkagayon inyong makakamtan ang dakilang gantimpala. (Al Imran-3:179)

Sa isang Hadith ay ipinaliwanag ni Propeta Muhammad(saws) ang kalagayang maaaring makamtan ng isang taong nagtataglay ng takot sa kanyang Panginoon: Iniulat ni Abu Dharr(raa) na sinabi sa kanya ng Sugo ng Allâh(saws):

Matakot sa Allâh(swt) saan ka man naroroon. Kung susundan ng mabuting gawa ang (nagawang) masamang gawa, mabubura mo ito. At makipag-ugnayan sa mga tao nang may mabuting kalooban. (Al-Tirmidhi – Hadith # 5083)

Ang isang pagpapatunay na ang isang Muslim ay may takot sa Allâh(swt) ay ang pagsagawa ng Salaah. Ito ang pangunahing tungkuling dapat tupdin ng isang mabuting Muslim, sapagka’t sa pamamagitan nito’y natutugunan niya ang pangunahing layunin ng kanyang pagkakalikha. Tunghayan natin ang isang talata mula sa Banal na Qur’an:

At hindi Ko nilikha ang jinn at ang tao malibang sumamba lamang sila sa Akin. (Ad-Dhariyat-51:56)

Sa isang talata na nagpapahayag ng kahalagahan ng Salaah:

Katotohanan! Ako ang Allâh. La ilaha illah Ana (walang tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Akin). Kaya sambahin Ako at magsagawa ng Salaah bilang pag-alaala sa Akin. (Taha-20:14)

Ang Islam ay isang panuntunan ng buhay, kaya naman hinihikayat nito ang bawa’t Muslim na maghanap ng ikabubuhay upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya tungo sa isang marangal na pamumuhay. Magkagayunma‎’y pinaaalalahanan tayo ng ating Panginoon na ilagi Siya sa ating alaala hindi lamang sa oras ng pangangailangan bagkus sa oras din ng katiwasayan. Ating matutunghayan sa Banal na Qurán:

At alalahanin ang iyong Panginoon sa iyong sarili (lihim at tahimik na dalangin), nang mapagpakumbaba at nang may takot, at nang walang malakas na tinig – sa mga oras ng umaga at ng hapon, at huwag mabilang sa mga mapagpabaya. (Al-A'raf 7:205)

Ipinahayag ng Allâh(swt) sa Banal na Qur’an na ang magtatagumpay ay yaong mga mananampalatayang lagi nang dumadalangin (Dhikr) bilang pag-aalaala sa Kanya at nagsasagawa ng kanilang mga itinakdang tungkuling pagdarasal (Salaah) nang mataimtim, may kababaang-loob at mataos na pagsunod.

Kung matapat lamang ang mga Muslim sa kanilang tungkuling Salaah, tiyak na makikitang laging puno ang mga Masjid na kung saan dapat isagawa ang limang beses na itinakdang pagdarasal. Subali’t marami ang nagsasagawa ng kanilang Salaah sa labas ng Masjid bagama’t malapit ito sa kanilang tahanan. Mayroon din namang tuwing araw lamang ng Biyernes sila nagtutungo sa Masjid upang isagawa ang Salatul-Jumah. Mayroon din namang lagi nang nagmamadali sa pagdarasal at halos tumakbo sa paglabas ng Masjid pagkatapos ng Salaah. Ang Salaah ay nararapat na maging malumanay, matiwasay, marubdob at mataimtim upang makamtan natin ang habag ng Allâh(swt. Tunghayan natin ang kahulugan ng isang talata sa Banal na Qur’an:

Katiyakang magtatagumpay ang mga mananampalataya. Silang nagsasagawa ng kanilang Salaah nang buong katapatan at buong pagsuko. (Al Mu'minun-23:1-2)

Mainam sa isang Muslim na magpatuloy sa paggawa ng mga bagay na kalugud-lugod sa Allâh(swt). Batid nating ang lahat ng mabuting gawain kapag ito’y isinagawa nang may malinis na layunin para sa Allâh(swt) ay nagiging isang uri ng pagsamba. Ang pagbati ng kapayapaan sa kapatid sa pananampalataya tuwing masalubong ay isang uri ng pagsamba. Ang maagang pagtulog bilang paghahanda ng sarili upang gampanan kinabukasan ang mga tungkulin sa Allâh(swt) ay itinuturing na isang pagsamba. Lahat ng ating mga kilos, salita at gawa ay maituturing na pagsamba kung may layuning magbigay kasiyahan sa Allâh(swt) at ang pagganap ng mga ito ay naaayon sa turo ni Propeta Muhammad(saws). Ayon sa isang Hadith:

Ayon kay Adi(raa) ang Sugo ng Allâh(saws) ay nagsabi: “Huwag maliitin ang anumang gawaing mabuti, kahit ito'y paglalagay lamang ng inuming tubig sa lalagyan ng sinumang naghahanap ng maiinom, o kaya'y ang pagtanggap sa iyong kapatid nang may kaaya-ayang ngiti sa iyong mukha.” (Sahih Muslim Vol. 4 Hadith # 2026)

Gayundin naman, huwag maliitin ang mga gawain o bagay na maaaring maghatid sa pagkakasala. Huwag nating kalilimutan na ang ating mga gawa, maliit man o malaki, ay makikita sa Araw ng Pagsusulit. Walang makaaalpas sa kaalaman ng Allâh.

Sa isa pang Hadith:

Iniulat ni Awf bin Al Harith bin At Tufayl(raa), na si A’isha(raa) ay nagsabing lagi siyang pinaaalalahanan ng Sugo ng Allah(saws) at sinasabing: “O A’isha! Mag-ingat sa mga kasalanang itinuturing na maliit lamang, sapagka't tunay na ang mga ito ay binibilang ng Allâh(swt).” (Ahmad 6:151)

Sa isang talata mula sa Banal na Qur’an ay ganito ang matutunghayang kahulugan:
Kaya sinuman ang gumawa ng katiting na timbang ng kabutihan ay kanya itong makikita. At sinuman ang gumawa ng katiting na timbang ng kasamaan ay kanya itong makikita. (Al-Zalzalah-99:7-8)
Upang maging isang mabuting Muslim, tungkulin ng bawa’t Muslim na sundin ang Sunnah ni Propeta Muhammad(saws).

Ang pagsunod sa Sunnah ni Propeta Muhammad(saws) ay isang panuntunang ipinag-uutos sa pananampalatayang Islam. Ipinahayag ng Allâh(swt) sa napakaraming taludtod ng Banal na Qu'ran na sundin Siya at ang Kanyang Sugo(saws). Upang maging isang ganap at mabuting Muslim, kailangang sundin, tularan at ipamuhay ang Sunnah ni Propeta Muhammad(saws).
Ang pagsunod sa Sunnah ni Propeta Muhammad(saws) ay may apat na kondisyon.
1. Ang unang kondisyon ay ang paniniwala sa anumang bagay na kanyang sinabi nang walang halong pag-aalinlangan, sapagka’t katiyakang ang lahat ng ito ay nagmula sa Allâh(swt). Bilang patunay tunghayan natin ang talata mula sa Banal na Qur’an:
O Sangkatauhan! Katotohanan, dumating na sa inyo ang Sugo (Muhammad(saws)) na dala ang katotohanan mula sa inyong Rabb (Panginoon). Kaya maniwala sa kanya, (dahil) ito ay higit na mainam sa inyo. (An-Nisa-4:170)
Anuman ang katuruang ibinahagi sa atin ni Propeta Muhammad(saws) ay kailangang tanggapin at paniwalaan nang walang anumang halong pag-aalinlangan. Si Propeta Muhammad(saws) ay hindi nagsasabi ng anumang bagay na nagmula lamang sa kanyang sarili, bagkus ang lahat ng ito ay nagmula Allâh(swt).

2. Ang ikalawang kondisyon sa pagsunod sa Sunnah ni Propeta Muhammad(saws) ay ang pagsunod sa lahat ng kanyang ipinag-uutos. Tunghayan natin ang paalaala ng ating Panginoon mula sa Banal na Qur’an kaugnay ng pagsunod sa mga ipinag-utos sa atin ni Propeta Muhammad(saws).

At sundin ang Allâh at ang Sugo (Muhammad) upang inyong makamtan ang Habag. (Al-Al-Imran-3:132)

Sabihin! (O Muhammad): “Kung (tunay ngang) inyong minamahal ang Allâh, sumunod kayo sa akin (tanggapin ang Kaisahan ng Allâh, at sundin ang Qur’an at Sunnah). Mamahalin kayo ng Allâh at patatawarin ang inyong mga kasalanan. At ang Allâh ay lagi nang Mapagpatawad, ang Mahabagin.” (Al Imran-3:31)
3. Ang ikatlong kondisyon sa pagsunod kay Propeta Muhammad(saws) ay ang pag-iwas sa lahat ng bagay na kanyang ipinagbabawal. At ang pagsamba nang naaayon sa kanyang mga Sunnah. Sapagka’t tanging siya lamang ang makapagbibigay ng tamang pamantayang kaugnay sa mga gawaing may kaugnayan sa ating pagsamba. Kabilang sa pagsunod sa Sunnah ni Propeta Muhammad(saws) ay ang pagpapakita natin ng kababaang-loob at pag-alaala sa ating Tagapaglikha. Tunghayan natin ang kahulugan ng talatang ito mula sa Banal na Qur’an:
Katotohanan, sa (katauhan ng) Sugo ng Allah ay mayroon kayong isang magandang halimbawa upang pamarisan, para sa kanya na umaasa (sa pagharap) sa Allah at sa Huling Araw at lagi nang alaala ang Allah. (Al-Ahzab-33:21)

4. Ang ikaapat na kondisyon sa pagsunod sa Sunnah ni Propeta Muhammad(saws) ay ang pagmamahal sa kanya nang higit sa sinumang nilikha.
Sa isang Hadith:
Ayon kay Abu Huraira(raa), sumumpa ang Sugo ng Allâh(saws): “Sa Kanya (Allâh) na Siyang nagmamay-ari ng aking buhay, walang sinuman sa inyo ang may tunay na pananampalataya hangga't hindi ninyo ako mahalin nang higit sa inyong magulang at mga anak.” (Sahih Bukhari Vol.1 Hadith # 13)

Maaaring may magtanong kung bakit kailangan nating mahalin si Propeta Muhammad(saws) nang higit sa ating magulang at mga anak. Papaano natin siya mamahalin nang higit pa sa sariling pamilya at angkan? Ang pagmamahal sa Propeta(saws) ay nangangahulugan ng pagkilala at pagtanggap sa kanya bilang panghuling Propeta ng Allâh(swt). Ang tunay na pagtanggap sa Propeta ay nangangailangan ng pagsunod sa kanyang mga ipinag-uutos at pag-iwas sa kanyang ipinagbabawal. Kabilang sa kanyang mga ipinag-uutos ay ang pagmamahal sa magulang at sa mga supling – kung paano natin sila pakitunguhan at kung paano sila mahalin upang ito ay maging kasiya-siya sa Allâh(swt). Magkagayon, ang pagmamahal sa Propeta ay higit na may kabuluhan sapagka’t hatid nito ang tunay at tamang pagmamahal na tiyak na tatanggapin ng Allâh(swt). Ating mauunawaan sa Kabanata An-Nisaa-4:80 ng Banal na Qur’an:
Sinumang sumunod sa Propeta ay katotohanang sumunod sa Allâh... (An-Nisaa-4:80)
Samakatuwid, higit nating mabibigyan ng tunay at tamang pagmamahal ang ating mga magulang, mga supling at ang lahat ng sumasamba sa Allâh(swt) kung ating higit na mamahalin ang Propeta sa pamamagitan ng pagsunod sa kanya tungo sa kasiyahan at pagmamahal ng Allâh(swt) na ating minimithi upang makamtan ang Kanyang pangakong Paraiso sa kabilang buhay.

Mga karagdagang katangian ng isang Muslim upang mapanatili ang sarili sa matuwid na landas.

1. Iwasan ang pagmamataas o pagmamalaki.
Sa isang talata sa Banal na Qur’an, ating mauunawaan ang isang babala tungkol dito:
Katotohanan, hindi minamahal ng Allâh ang taong mapagmataas at mapagmalaki. (An Nisa-4:36)
Hinggil dito, ating mababasa sa Banal na Qur’an na ang pagmamalaki at pagmamataas ay unang nangyari nang likhain ng Allâh(swt) si Adan. Inutusan Niya ang mga anghel at si Iblis (Satanas) na magpatirapa kay Adan bilang pagpupugay (at hindi pagsamba). Lahat sila ay sumunod sa utos ng Allâh(swt) maliban kay Iblis na sumuway at nagsabing siya ay nakahihigit sa pagkakalikha kay Adan. Dahil dito, si Iblis (Satanas) ay isinumpa ng Allâh(swt). Tungkol dito, tunghayan natin ang kahulugan ng ilang talata sa Banal na Qur’an:
...Ano ang pumigil sa iyo (O Iblis) sa hindi mo pagpapatirapa nang pag-utusan Kita? Sinabi ni Iblis: Ako ay nakahihigit sa kanya (Adan), nilikha Mo ako mula sa apoy, at siya’y nilikha Mo mula sa luwad. Sinabi ng Allâh(swt): (O Iblis) bumaba ka mula dito (Paraiso), hindi para sa iyo ang maging mapagmataas dito. Lumabas ka, sapagka’t kabilang ka sa mga naging hamak at napahiya. (Al-A’raf-7:12-13)

Ang ilan sa mga katangian ng isang mapagmataas ay makikita natin ngayon sa mga taong hindi tumatanggap ng paalaala bagama’t ang paalaala ay tama. Kanyang tinatalikuran ito dahil itinuturing niya ang kanyang sariling may higit na katayuan o kahusayan kaysa nagbibigay payo sa kanya. Siya ay walang panahong makinig sa mga nagbibigay ng panayam lalo pa’t mababa ang tingin niya sa tagapagsalita. Hindi siya nakikisalamuha sa ibang tao na sa kanyang palagay ay mababa ang katayuan sa kanya. Nais niyang lagi siyang nasusunod o mangingibabaw sa anumang usapan at hindi siya tumatanggap ng anumang mungkahi o paliwanag na taliwas sa kanyang pagnanais. Ang mga ito ay ilan lamang sa mga di kanais-nais na pag-aasal na dapat iwasan ng isang Muslim upang siya ay mabilang sa mga mabubuting Muslim na kinalulugdan ng Allâh(swt).

2. Ang Pagmamahal sa kapwa Muslim.
Ang ilang paraan upang magampanan natin ang pagmamahal sa ating kapwa Muslim ay mababasa sa mga sumusunod na Hadith:

Iniulat ni Abu Musa(raa) na ilang tao ang nagtanong sa Sugo ng Allâh(saws): “Kaninong Islam ang pinakamahusay (Sino ang pinakamahusay na Muslim)?” Siya ay sumagot: “Siyang umiiwas na mapinsala ang kanyang kapwa Muslim sa pamamagitan ng kanyang dila at mga kamay.”

(Sahih Bukhari Vol. 1, Hadith # 10)
Ayon kay Anas(raa), ang Sugo ng Allâh(saws) ay nagsabi: “Walang sinuman sa inyo ang may tunay na pananampalataya hangga’t hindi niya hinahangad sa kanyang kapatid (Muslim) ang hinahangad niya sa kanyang sarili.” (Sahih Bukhari Vol.1 Hadith # 12)

Malinaw sa mga nabanggit na Hadith na hindi magiging isang mabuting Muslim ang sinuman, malibang kanyang mahalin ang kanyang kapatid sa pananampalataya. Ang kapatiran sa Islam ay patunay tungo sa pagkakaisa ng bawa’t Muslim. Hindi dapat maging balakid ang lahing pinagmulan, ang kulay ng balat at maging ang katayuan sa buhay upang magmahalan sa isa’t isa. Ang bawa’t Muslim ay magkakapatid. Ayon sa talata mula sa Banal na Qur’an:
Ang bawa't mananampalataya (Muslim) ay magkakapatid. (Al-Hujarat-49:10)
Ito ay isang pagpapatunay mula sa Banal na Qur'ân na ang lahat ng mananampalataya (Muslim) ay magkakapatid. Sinuman ang hindi naniniwala sa Allâh(swt, kailanma’y hindi magiging bahagi ng Islamikong Kapatiran. Ito ay nagpapahiwatig na maging ang pinakamalapit na kamag-anak ay hindi maituturing na tunay na kapatid kung hindi siya mananampalataya (Muslim). Ang tunay at tanging nagbubuklod sa kapatiran sa Islam ay ang pananampalataya sa Allâh(swt) – Ang Nag-iisang Tunay na Diyos. Ang mabuting halimbawa ng kapatiran ay noong panahon ni Propeta Muhammad(saws). Ang matatag na pagkakaisa ng mga Muslim sa panahong yaon ay nakatulong nang malaki sa mabilis na paglaganap ng Islam. Bilang bahagi ng ating pananampalataya, kailangang itaguyod ng bawa’t Muslim ang pagmamahal sa kanyang kapwa Muslim.
Ang Allâh(swt) ay nagbigay-babala sa atin na matutunghayan sa Banal na Qur’an:
Katiyakan, ang parusa ng iyong Panginoon ay tunay na magaganap. Walang makapipigil nito. (At-Tur-52:7-8)

Kaya naman, panghawakan natin ang ilang pamantayang ito upang tayo’y manatiling isang mabuting Muslim. Maaaring ang paksang inyong natunghayan ay pangkaraniwang mga katuruan at paalaala sa ating pananampalataya, subali’t tanungin natin ang ating mga sarili kung ang lahat ng ito ay ating nagagampanan sa ating araw-araw na pamumuhay bilang mga piling nilikha ng Allâh(swt) na pinagkalooban ng pambihirang biyaya.
Bilang pangwakas, tayo ay manalangin!

O Allâh(swt), Nawa’y igawad Mo po sa amin ang Iyong Habag at Kapatawaran. Kaluwalhatian sa Iyo, O Allâh(swt)! Katotohanang ipinaalam Mo sa amin ang Iyong mga Tanda upang matanggap namin ang Iyong pagpapala, kahit sadyang hindi sapat ang aming pasasalamat sa Iyo.

O Allâh(swt), kami ay naging mga suwail sa hindi namin pagtupad sa aming mga tungkulin bilang Iyong mga abang alipin. Sadyang hindi kami naging makatarungan sa aming mga sarili sa hindi namin pagbibigay sa Iyo ng tamang paggalang. Sadyang kay tigas ng aming mga puso at hindi kami marunong magpakumbaba sa Iyong Kadakilaan at Kapangyarihan.
O Allâh(swt), nawa'y ibilang Mo po kami sa hanay ng Iyong mga alipin na nagsisikap na magampanan ang mga bagay na Iyong itinakda para sa amin.

O Allâh(swt), nawa’y palambutin Mo po ang aming mga puso upang kami'y matutong magpakumbaba sa Iyong harapan.

O Allâh(swt), nawa’y palambutin Mo po ang aming mga puso upang kami'y matutong sumunod sa Iyong mga batas.
O Allâh(swt), nawa’y buksan Mo po ang aming mga puso upang lubos naming maunawaan ang mga palatandaan na Iyong ipinaabot sa amin.

O Allâh, nawa’y idulot Mo po sa amin ang tagumpay sa mundong ito at sa Kabilang Buhay.

O Allâh(swt), hinihiling po namin ang Iyong Kapatawaran, Habag at Pagpapala sa mundong ito at higit sa Kabilang Buhay.


No comments:

Post a Comment

Share