Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin
Siya ba ay ibang diyos sa Diyos na Lumikha ng langit at lupa? Siya ba ay ibang diyos sa Diyos na sinamba ng mga Propeta? Siya ba ay Diyos lamang ng mga Muslim?
Sa katotohanan, ang Allah ay salitang Arabik na walang ganap o lubos na kahulugan sa wikang Ingles o maging sa anupamang wika. Ito ang personal na pangalan ng isang tunay na Diyos na Tagapaglikha ng lahat ng bagay. Ang pangalang Allah bagama't isinalin sa Ingles na “God” o sa Tagalog na "Diyos" ay hindi sapat upang ipakahulugan sa salitang Allah. Ang Allah ay isang unikong pangalan ng Diyos na nangangahulugan ng "Isang Tanging Diyos ng lahat ng nilikha." Siya ay Diyos ng mga "diyos". Siya ang Diyos sa anupamang “diyos". Siya ang higit na Diyos sa lahat ng sinasambang “diyos”. Sa mga lathalain, tayo'y mayroong tinatawag na "diyos ng araw", “diyos ng planetang Neptuno”, “diyos anak” at marami pang iba.
Ngunit ang Allah ay Diyos ng lahat ng mga bagay na pinangalanang "diyos". Pangalawa, ang salitang Allah ay walang kasarian (sex). Hindi Siya maaaring iugnay sa anumang bagay na panlalaki o pambabae. Siya ay hindi nalalayon upang ihalintulad dito. Taliwas sa salitang Ingles na ang "god" ay maaaring maging pambabaeng anyo sa pamamagitan ng salitang "goddess" o ng Tagalog na “diyos” na maaaring tawagin sa pambabaeng anyo na “diyosa”. Ngunit sa salitang Allah, ito ay hindi maaaring mabatay sa pagbabago ng panlalaking anyo sa pambabaeng kaanyuan.
Siya ang Allah na walang kasarian sapagka’t Siya ay hindi tao na katulad natin o katulad ng Kanyang mga nilikha. Ang Allah ay hindi kailangang magparami sa pamamagitan ng seksuwal na paraan sapagkat Siya ay walang katapusan at kamatayan. Pangatlo, ang salitang Allah ay mananatiling tanging isa. Siya ay hindi maaaring iugnay sa pangmaramihan.
Wala ng iba kundi Siya. Ito ay taliwas sa salitang Ingles na "God" na sa pangmaramihang anyo ay maaaring maging "Gods" o sa salitang Latin na “Deo” na maaaring maging "Deos". Ang salitang Allah kailanman ay hindi maaaring humigit pa sa isa. Siya ay unikong isa. Hindi Siya maaaring tawagin ng Allahs o Allahes. Dahil dito, ang mga Muslim ay nagkakaisa sa pagpapanatili ng pagtawag sa Kanyang pangalang Allah upang ang lahat ng katangian ng isang ganap na Diyos ay mapanatili sa salitang Allah. Ang anumang pakahulugan na ang Allah ay ibang Diyos sa ating kaalaman mula pa at sapul sa pagtuturo ng mga Propeta ay isang pagkakamali o lihis na pagkaunawa.
Ang Allah ang Siya ring dakilang lumikha na sinamba nina Propeta Moises at Hesus (sumakanila nawa ang kapayapaan) at ng lahat din ng mga Propeta. Sa salitang Hebreo ang tawag ni Propeta Moises (sumakanya nawa ang kapayapaan) sa Allah ay Eloi at Elohim. Sa salitang Aramaik naman ay tinawag ni Propeta Hesus (sumakanya nawa ang kapayapaan) ang Allah ng Elli. Sapagkat ang mga wikang Hebreo, Aramaik at Arabik ay mga wikang magkakapatid (sister languages), ang Eloi, Elli at Allah ay walang pagkakaiba at may iisang kahulugan lamang. Maling pakahulugan na ang kanilang Diyos ay magkakaiba at sila ay hindi kailanman nagturo sa mga tao na sumamba sa iba pa maliban sa Allah.
Sa Qur’an ay matutunghayan natin ang nakakaantig ng damdamin paglalarawan ng Allah sa Kanyang sarili:
“Allah, wala ng iba pang Diyos maliban sa Kanya, ang Laging Buhay, ang may Sariling Kasapatan, ang Tagapanustos ng lahat. Ang ano mang pagkaantok o pagkaidlip ay hindi makapapanaig sa Kanya. Siya ang nag-aangkin ng lahat ng mga bagay na nasa mga kalangitan at kalupaan. Sino kaya baga ang makapamamagitan sa Kanya (sa Araw ng Paghuhukom) malibang Kanyang pahintulutan? Batid Niya kung ano ang nangyayari sa Kanyang mga nilikha, maging sa nakaraan at sa hinaharap at sa mga nakalingid. Walang sinumang makapagkakamit ng Kanyang karunungan malibang Kanyang naisin. Ang Kanyang Luklukan ay sumasakop sa mga kalangitan at kalupaan, at Siya ay hindi nakadarama ng pagkapagal sa pangangalaga at pagpapanatili sa kanila, sapagkat Siya ang Kataas-taasan, ang Sukdol sa Kaluwalhatian.” [Qur’an, 2:255]
“Siya ang Allah, sa Kanya ay wala ng iba pang diyos; na nakababatid ng lahat ng bagay maging nakalingid o nakalantad; Siya ang Mapagpala, ang Maawain. Siya ang Allah, wala ng ibang diyos maliban sa Kanya; ang Nakapangyayari, ang Banal, ang Pinagbubuhatan ng Kapayapaan (at kaganapan), ang Tagapangalaga ng Pananampalataya, ang Tagapanatili ng Kaligtasan, ang Sukdol sa Kapangyarihan, ang hindi mapapangibabawan, ang Makatarungan. Luwalhatiin ang Allah! higit Siyang mataas sa lahat ng mga (diyus-diyosan) na itinatambal sa Kanya. Siya ang Allah, ang Tagapaglikha, ang pinagmulan ng lahat ng bagay, ang Tagahubog. Siya ang nag-aangkin ng lahat ng magagandang pangalan. Kahit anupamang mga nasa kalangitan at kalupaan ay nagbabadya sa Kanyang mga Kapurihan at Kaluwalhatian, at Siya ang Lubos sa Kapangyarihan, ang Maalam” [Qur’an, 59:22-24]
Ang mga Muslim ay hindi makapagtataguri sa Allah ng anumang pangalan na hindi binanggit ng Allah sa Kanyang sarili at hindi rin binanggit ng Kanyang Propetang si Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Ang pagbibigay ng taguri sa Allah batay sa opinyon o pagkakagusto lamang ay isang malaking kasalanan. Halimbawa, ang ibang pananampalataya ay nagtataguri sa Diyos ng: “Ang Diyos ay Pag-ibig”. Ito ay hindi maaaring sabihin ng isang Muslim sapagkat hindi ibinigay ito ng Allah sa Kanyang sarili. Kung ating iisipin, kailanman, ang salitang “pag-ibig” ay hindi magiging “diyos” at ang Diyos kailanman ay hindi magiging pag-ibig. Ang “pag-ibig ay diyos o ang diyos ay pag-ibig” ay lihis at mali sapagkat ang “pag-ibig” ay hindi kinapapalooban ng kapangyarihan ng Diyos. Manapa, ang mga Muslim ay nagsasabi na ang Allah ay Mapagmahal o ang Allah ay Umiibig (Al Wadoud). Ito ay Kanyang katangian at pangalan. May malaking pagkakaiba sa pag-ibig (love) o sa mapagmahal/umiibig (loving).
Gayundin naman, sila ay nagsasabi rin na “ang Diyos ay nasa lahat ng lugar.” Ano ang ibig ipakahulugan nito? Ito ay nangangahulugan na kung ang Diyos ay nasa lahat ng lugar, Siya ay nandoon din sa Kanyang mga nilikha. Kung ang Diyos ay lumikha ng buwan, ito ay nangangahulugan na siya ay nasa loob ng buwan; kung Siya ay lumikha ng baka, nangangahulugan din na Siya ay nasa katawan ng baka (patawarin tayo ng Allah!); maaari rin (kung gayon) na Siya ay nasa loob ng palikuran (patawarin tayo ng Allah!). Ang mga Muslim ay hindi nagpapahayag ng gayon. Hindi kinakailangan ng Allah na nandoon Siya sa Kanyang mga nilikha upang magpag-alaman Niya kung ano ang kanilang ginagawa at nangyayari sa kanila. Ang mga Muslim ay nagsasabi na ang Allah ang nakababatid ng lahat ng bagay. Siya ang Al Alim (ang lubos na Maalam), talos Niya ang lahat ng mga bagay maging nakalingid o nakalantad. Malaki ang pagkakaiba sa paniniwalang ang Allah ay nasa lahat ng lugar (God is everywhere) kaysa ang Allah ang nakababatid ng lahat ng bagay (God is aware of all things).
Mahigpit din na tinututulan ng mga Muslim ang pagbibigay ng mga katangian o katawagan sa Kanya na katumbas ng Kanyang mga nilikha. Ito’y hantarang paghahambing sa Allah sa antas ng Kanyang mga nilikha. Ito ay pagpapababa sa kataasan at kapurihan ng Allah at hindi marapat na iakibat sa Kanya. Halimbawa, ang pagsasabi ng ibang mga pananampalataya na ang Diyos ay nagpahinga ng ikapitong araw matapos ang Kanyang paglikha; na siya ay lumikha ng mga tao sa Kanyang wangis; na Siya ay Diyos na mapanibughuin; na Siya ay Diyos na nagsisisi, atbp. Ang ganitong mga pagtataguri sa Kanya ay hindi matatanggap kailanman ng mga Muslim. Ito ay tandisan na itinuturing na pagtutungayaw sa puntong paniniwala sa Islam. Isang malaking kasalanan na pababain mo ang antas ng Diyos sa antas ng tao o nilikha (patawarin tayo ng Allah!). Ang pagtanggap sa mga ito na nabanggit sa paglalarawan sa itaas ay nangangahulugan lamang ng pagtanggap sa isang diyos na mahina, hindi ganap ang kapangyarihan at hindi maalam. Hindi ganito ang Allah na kinikilala ng mga Muslim sa Islam. Higit Siyang mataas sa lahat ng mga iniaagapay sa Kanya.
No comments:
Post a Comment