Madalas nauubos ang ating panahon sa ating pang-araw-araw na pamumuhay at nakaligtaan nating pag-isipan ang kabilang-buhay. Bagama't maraming nagtatanong ang tungkol sa impiyerno at kung ano nga ba ang naririto, hindi ito nakapagbigay aral upang magsumikap tayong gumawa ng kabutihan. Ang iba ay nagtatanong kung tunay nga bang may Impiyernong Apoy sa ngayon at nasaan ito.
Sinabi ng Allah (swt) sa Qur'an:
…kung gayon ay katakutan ang Apoy (Impiyerno) na ang panggatong ay mga tao at bato, inihanda para sa mga hindi naniniwala. [Qur'an, 2:24]
Ang Propeta (saw) ay nagsabi:
“Akin ding nakita ang Impiyernong Apoy at kailanma’y hindi pa ako nakakita ng gayong kalunos-lunos na tanawin.” [Napagkasunduan]
Matatagpuan ang Impiyernong Apoy sa “Sijjin” na nasa pinakamababang pang-pitong daigdig na naroroon ang pinakamakitid at pinakamababang lugar. Samantalang ang Paraiso ay sa ibabaw ng mga kalangitan ay nasa pinakamalawak at pinakamataas na lugar, ang Impiyernong Apoy ay nasa pinakamababa at pinakamakitid na lugar.
Ang impiyernong apoy ay may mga pitong pintuan. Sinabi ng Allah (swt) sa Qur'an:
Ito (Impiyerno) ay mayroong pitong pintuan, para sa bawat pintuan ay itinalaga ang kanya-kanyang (natatanging) uri (ng mga makasalanan). [Qur'an, 15:44]
Sa impiyerno ay naroroon ang mga (itinakdang) tao at hindi magkakaroon ng liwanag dito. Sinabi ng Allah (swt) sa Qur'an:
Ang Apoy ay ikukulob sa kanila (sila ay malilipos ng Apoy nang walang bukasan, bintana o dili kaya ay labasan. [Qur'an, 90:20]
Ang Impiyernong Apoy ay binabantayan ng mga anghel na mababagsik at malulupit katulad ng pagsasalarawan sa kanila ng Allah (swt) sa Qur’an:
O kayong naniniwala! Iilag ang inyong mga sarili at mag-anak mula sa Apoy (Impiyerno) na ang panggatong ay mga tao at bato, na hindi sumusuway (sa pagsasagawa) sa mga kautusang kanilang natatanggap mula sa Allah, mangyari pa ay isinasagawa ang yaong sa kanila ay ipinag-utos. [Qur'an, 66:6]
Sinabi ng Propeta (saw):
Ang Impiyernong Apoy ay dadalhin sa panahong yaon (sa Araw ng muling Pagkabuhay) na may pitumpung libong renda (kabisada). Sa bawat renda ay magkakaroon ng pitumpung libong anghel na hihila dito. [Iniulat ni Muslim]
Inilarawan ng Allah (swt) ang inihandang matinding paghihirap sa impiyerno para sa mga (itinakdang) tao nito. Ang Allah (swt) ay nagsabi sa Qur’an:
Subalit yaong hindi naniniwala ( sa kaisahan ng Allah), ang magiging para sa kanila ay ang Apoy ng Impiyerno. (Kailanma’y) Hindi ito magkakaroon ng lubosang pamatay na dulot upang sila ay mamatay at hindi rin pagagaanin ang paghihirap para sa kanila. Sa gayon Namin binabalaan ang bawat hindi naniniwala. [Qur'an, 35:36]
Ang mga di-naniniwala ay mamamalagi sa Impiyernong Apoy magpakailanman at hindi namamatay nang sa gayo’y madama nila (nang husto) ang paghihirap at hindi rin pagagaanin ang paghihirap nang sa gayo’y mabawasan ang sakit. Bagkus ay mananatiling ganoon pa rin ang paghihirap ang mararamdaman magpakailanman. Gayon din, ang Allah (swt) ay nagsabi sa Qur’an hinggil sa paghihirap (ng tao) sa impiyerno:
Sila ay magkakaroon ng taklob na Apoy sa ibabaw nila at taklob (na Apoy) sa ilalim nila; sa pamamagitan nito tinatakot ng Allah ang Kanyang mga alipin: ‘O Aking mga alipin, sa gayo’y matakot sa Akin.” [Qur'an, 39:16]
Katotohanan, Aming inihanda para sa mga hindi naniniwala ang mga tanikalang bakal, kulyar na bakal, at naglalagablab na Apoy. [Qur'an, 76:4]
Sa impiyerno, igagapos sa kanila ang tanikalang bakal at mga kulyar sa mga kamay at leeg na hihila sa kanila. At ang naglalagablab na Apoy ay susunog sa kanilang katawan. Gayon, din, ang Allah (swt) ay nagsabi sa Qur’an:
(Masasabi) Dakpin siya at igapos siya, pagkatapos ay ihagis siya sa naglalagablab na Apoy. Pagkatapos ay talian siya ng tanikala na ang haba ay pitumpung (cubits). [Qur'an, 69:30-32]
Ang tanikalang ito ay lumalagos sa pigi (puwitan) at uusli hanggang sa kanilang bunganga. Inilarawan ng Propeta (saw) ang impiyernong sa kanyang pagsasalaysay::
Ang inyong (karaniwang) Apoy ay isa sa pitumpung bahagi ng Impiyernong Apoy.” Isa ang nagtanong: “O Sugo ng Allah! Ang (karaniwang) Apoy na ito ay sapat na (upang magpahirap sa mga di-naniniwala).” Ang Sugo ng Allah ay nagabi: “Ang (Impiyerno) Apoy ay may maka-69 bahaging higit na marami kaysa sa karaniwang apoy, ang bawat bahagi ay kasing-init nitong apoy dito sa daigdig. [Napagkasunduan]
Ang mga taong maninirahan sa impiyerno ay ang mga Sila ang mga sumuway sa Allah (swt) at sa Kanyang Sugo (saw) at sumunod sa “Shaitan” at sa kanilang mga pagnanasa (hawaa). Sinabi ng Allah sa Qur'an:
Subalit yaong hindi naniniwala at pinapabulaanan ang aming mga Ayat (patunay, katibayan, talata, atbp.) kagaya nila ang mga nananahanan sa Apoy. Mananatili sila doon magpakailanman. [Qur'an, 2:39]
At sa Araw ng Muling Pagkabuhay, matutunghayan ninyo yaong mga nagsinungaling laban sa Allah, ang kanilang mga mukha ay magiging itim. Hindi ba’t mayroong tirahan sa Impiyerno para sa mga mapagmataas. [Qur'an, 39:60]
At yaong mga hindi naniniwala sa Kabilang Buhay, Aming inihanda sa kanila ang isang napakasakit na paghihirap (Impiyerno). [Qur'an, 17:10]
Walang pag-aalinlangan, tinatawagan mo ako na (sambahin) ang isang hindi kayang ipagkaloob ang aking kahilingan (o dili kaya’y sumagot sa aking dasal) sa daigdig na ito at sa Kabilang Buhay. At ang ating pagbabalik ay magiging sa Allah. At ang mga Al-Mushriqeen (mga sumasamba sa iba maliban sa Allah, mapag-mataas, at yaong mga gumagawa ng mga malalaking kasalanan) sila ang mga mananahanan sa Apoy. [Qur'an, 40:43]
Ipinangako ng Allah sa mga mapagkunwari (lalaki man o babae) at mga di-naniniwala ang Apoy ng Impiyerno. Doon sila mananatili. Ito ay sasapat na sa kanila. Isinumpa sila ng Allah at para sa kanila ay ang matagalang paghihirap. [Qur'an, 9:68]
Ano ang naging dahilan ng pagpasok mo sa Impiyerno? – Sila ay magsasabi: ‘Kami ay yaong hindi (kabilang) sa mga nag-aalay ng kanilang Salat noon – maging ang magpakain man sa mahihirap – naging ugali namin noon ang magsabi ng mga kasinungalingan (lahat ng yaong mga kinasusuklaman ng Allah) kasama ng mga nagsasalita ng walang kapararakan. At naging ugali namin noon ang pabulaanan ang Araw ng Pagbabayad (Paghuhukom), hanggang dumating sa amin ang tiyak (na kamatayan). [Qur'an, 74:42-47]
Gayundin, sinabi ng Propeta (saw) sa kanyang pagsasalarawan sa mga itinalagang tao sa impiyerno:
Ipababatid ko ba sa inyo ang tungkol sa mga (itinalagang) tao ng Impiyernong Apoy? Binubuo sila ng bawat malupit, mabagsik, mapagmataas at palalong mga tao.” [Napagkasunduan]
Sa mga nabanggit na talata at Hadith, matutunghayan natin ang pagsasalarawan sa mga nananahanan sa impiyerno. Katulad sa Paraiso, ang impiyerno ay may mga antas, ang bawa't isa ay higit na malala kaysa sa iba. Sinabi ng Allah (swt) sa Qur'an:
Para sa lahat ay mayroong antas ayon sa kanilang ginawa. At ang inyong “Rubb” (Panginoon) ay batid ang kanilang ginagawa. [Qur'an, 6:132]
Katotohanan, ang mga mapagkunwari ay mapaparoon sa pinakamababang kalaliman (antas) ng Apoy, wala kayong matatagpuang makatutulong para sa kanila. [Qur'an, 4:145]
Ang hahantungan ng mga mapagkunwari ay ang pinakamasamang lugar sa impiyerno. At ayun sa paglalarawan, napakalaki at napakalalim ang impiyerno. Ang lalalim nito ay kasing layo ng pitungpong (70) taon ng paglalakad. Ito ay maitim (madilim), at ang mga taong itinakda dito ay nagiging madilim na maitim. Inilarawan ng Allah (swt) ang impiyerno sa Qur'an:
Ang kanilang mga mukha ay matatakpan, kagaya noon, ng mga piraso buhat sa kadiliman ng gabi. Sila ang mga nananahanan sa Apoy, at sila ay mamamalagi roon magpakailanman. [Qur'an, 10:27]
Ang Apoy ng Impiyerno ay higit na maalab sa init, kung batid (nakakaunawa) lamang sila. [Qur'an, 9:81]
Kapag sila ay itinapon doon, maririnig nila ang (nakapanghihilakbot na) papalapit na (pagbugay ng) hininga nito habang naglalagablab ito. [Qur'an, 67:7]
Sa nagngangalit na hanging mainit at kumukulong tubig, at anino ng itim na usok. [Qur'an, 56:42-43]
Gayon din, inilarawan ng Propeta (saw) ang impiyerno:
Ang (Impiyernong) Apoy ay nanghinaing sa kanyang Panginoon at nagsasabing: ‘O aking Panginoon! Nilalamon ng bawat isa ang aking iba’t-ibang bahagi.’ Kung kaya’t pinahintulutan niya itong magkaroon ng dalawang hininga – isa sa taglamig at ang isa ay sa tag-init. At ito ang dahilan para sa matinding init at nanonoot na lamig na inyong makikita (mararanasan) sa panahon. [Napagkasunduan]
Ang panggatong ng Impiyernong Apoy ay mga tao at bato kagaya ng sinabi ng Allah sa Qur’an:
Ang Apoy (Impiyerno) na ang panggatong ay mga tao at bato. [Qur'an, 66:6]
Ang kasuotan ng mga taong nananahanan sa impiyerno ay inilarawan ng Allah (swt) sa Qur'an:
Ang kanilang magiging kasuotan ay alkitran, at matatakpan ang kanilang mga mukha ng apoy. [Qur'an, 14:50]
At para sa kanila na hindi naniniwala, kasuotang Apoy ang tatabasin para sa kanila, kumukulong tubig ay ibubuhos sa kanilang mga ulo. [Qur'an, 22:19]
Inilarawan ng Allah (swt) ang pagkain at inumin ng mga tao na nananahanan sa Impiyerno. Sinabi ng sa Qur'an:
Walang magiging pagkain para sa kanila kung hindi isang makamandag at matinik na halaman na hindi makakapagpalakas o dili kaya’y makapagpapabusog laban sa kagutuman. [Qur'an, 88:6-7]
Katotohanan, nasa atin ang mga tanikala (na gagapos sa kanila), nagngangalit na Apoy, pagkaing nakakasal at napakasakit na paghihirap. [Qur'an, 73:12-13]
Kung gayo’y wala siyang kaibigan sa araw na ito, maging ang anumang pagkain maliban sa dumi sa paghuhugas ng mga sugat. Walang kakain (nito) maliban sa Khati`un (mga makasalanan, di-naniniwala). [Qur'an, 69:35-37]
Kung gayon higit sa rito, katotohanan – kayong mga may sala, mga nagtatatwa (ng Muling Pagkabuhay), kayong tunay ang kakain sa mga puno ng Zaqqum, at sa gayo’y pupunuin ang inyong mga tiyan nito at bukod dito ay iinom ng kumukulong tubig. [Qur'an, 56:51-54]
Katotohanan, ang puno ng Zaqqum ang magiging pagkain ng mga makasalanan. Katulad ng kumukulong langis, ito ay kukulo sa tiyan, kagaya ng pagkulo ng nakakapasong (nakakalapnos) tubig. [Qur'an, 44:43-46]
Ang mga talatang ito ay naglalarawan sa pagkain ng mga tao sa Impiyernong Apoy. Subalit ang inumin ay ipaliliwanag sa mga sumusunod na talata. Sinabi ng Allah (swt) sa Qur'an:
Kagaya niyang mga mamamalagi sa Apoy magpakailanman, at libingan ng kumukulong tubig na iinumin, nang sa gayo’y ito ay hihiwa (pagpuputol-putulin) ang kanilang mga bituka? [Qur'an, 47:15]
Subalit sila (mga Sugo) ay humingi (pinagsumikapan) ng tagumpay at tulong mula sa Allah, at ang bawat matigas ang ulo at palalong (mapagmataas na) hari-harian (diktador) ay pinalasap ng lubos na pagkagapi at pagkawasak – ang sa harap niya ay Impiyerno. At siya ay paiinumin ng kumukulo at nagnananang tubig – sapilitan niya itong iinumin at siya ay magkakaroon ng matinding paghihirap na ito ay lunukin pababa sa kanyang lalamunan. [Qur'an, 14:15-17]
At sabihin: ‘Ang katotohanan ay mula sa inyong Panginoon. Kung gayon, sinumang magnais hayaan siyang maniwala at sinumang magnais, hayaan siyang huwag maniwala. Katotohanan, Aming inihanda para sa mga Zalimun ang Apoy na ang dingding ay palilibutan sila. At kapag sila ay humingi ng tulong (pahinga, tubig, atbp.) sila ay pagkakalooban ng tubig na kagaya ng kumukulong tubig na lalapnos (papaso) sa kanilang mga mukha. Kakila-kilabot ang inumin, at isang masamang Murtafaqa (tirahan, pahingahan). [Qur'an, 18:29]
Ang paghihirap sa impiyerno ng mga taong itinakda dito ay hindi babawasan o ititigil. Sinabi ng Allah (swt) sa Qur'an:
Katotohanan, ang mga Mujrimeen (makasalanan, di-naniniwala, atbp.) ay mapaparoon sa paghihirap ng Impiyerno upang mamalagi doon magpakailanman. (Ang paghihirap) ay hindi pagagaanin para sa kanila. At sila ay ipapatihulog (tungo) sa pagkawasak nang may matinding pagsisisi, kalungkutan at kawalang pag-asa doon. [Qur'an, 43:74-75]
Subalit yaong mga di-naniniwala (sa kaisahan ng Allah) ang magiging para sa kanila ay ang Apoy ng Impiyerno. (Kailanma’y) Hindi ito magkakaroon ng lubusang pamatay na dulot upang sila ay mamatay at hindi rin pagagaanin ang paghihirap para sa kanila. Sa gayon Namin binabalaan ang bawat hindi naniniwala. [Qur'an, 35:76]
Ang mga itinakdang mga tao sa impiyerno ang may pinakamaliit na paghihirap ng sa impiyernong. Sinabi ng Propeta (saw):
Ang taong magkakaroon ng pinakamaliit na kaparusahan mula sa mga tao ng (Impiyernong) Apoy sa Araw ng Muling Pagkabuhay ay isang tao na ang kanyang talampakan ay lalagyan ng nagbabagang uling upang ang kanyang ulo ay kukulo dahil dito. [Napagkasunduan]
Ang mangyayari sa isang Muslim kapag nakagawa ng mga kasalanan at namatay bago makapagsisi (maliban lamang kung patatawarin ng Allah (swt) ang kanyang mga kasalanan) siya ay hahantong sa impiyerno nang ilang panahon. Pagkatapos ay dadalhin siya sa Paraiso. Ang Propeta (saw) ay nagsabi:
Kapag ang mga tao ng Paraiso ay nakapasok na sa Paraiso, at ang mga tao ng Impiyernong Apoy ay nakapasok na sa Apoy. Ang Allah ay nagsabi: ‘Iahon (sa Apoy) ang sinumang may pananampalataya katumbas ng buto ng mustasa sa kanyang puso.’ Sila ay aahon, at sa panahong yaon sila ay nangasunog na at naging katulad ng uling. At pagkatapoy ay ihahagis sila sa ilog ng buhay at sila ay umusbong nang gaya sa pagtubo ng buto sa pampang ng ilog ng tubig-ulan. [Iniulat ni Al-Bukhari]
No comments:
Post a Comment