Pages

Wednesday, April 1, 2015

AWRAH

Marahil Kapatid kong Muslimah ay alam mo na ang ibig sabihin ng AWRAH=ito ay ang bahagi ng katawan na dapat takpan lalo na ng kababaihan at huwag ilalantad maliban sa kanilang Mahram at sa kapwa nila babae.
Ang sumusunod ay nilikom na Fatwa mula kay Shaykh Saleh bin Fawzaan bin Al-Fawzaan (hafidhahullaah);
Sinabi ng Allaah (subhanahu wa ta’ala): [sa pagkakasalin]
…..at huwag nilang ilantad ang kanilang kagandahan sa mga kalalakihan, kundi pagsumikapan nila na ito ay maitago maliban sa mga nakalantad na pananamit na nakasanayan na ito ay nakalantad na kasuotan, kung ito ay hindi nagdudulot ng anumang ‘fitnah’ (o panghahalina na makagawa ng kasamaan), at ibababa nila ang panakip ng kanilang ulo hanggang sa matakpan ang kanilang mga dibdib na natatakpan nito ang kanilang mga mukha; upang mabuo ang kanilang panakip, at huwag nilang ilantad ang anumang kagandahan na nakatago maliban lamang sa kanilang mga asawa na mga kalalakihan; dahil maaari nilang makita mula sa kanila na mga asawa ang hindi maaaring makita ng iba. At kabilang dito ay ang mukha, leeg, dalawang kamay, dalawang braso at ito ay ipinahintulot na makita rin ng kanilang mga ama o di kaya ay ama ng kanilang mga asawa o di kaya ay kanilang anak na mga kalalakihan, o di kaya ay anak na mga kalalakihan ng kanilang mga asawa, o di kaya ay kanilang mga kapatid na mga kalalakihan, o di kaya ay mga anak na lalaki ng kanilang mga kapatid na kalalakihan, o di kaya ay mga anak na kalalakihan ng kanilang mga kapatid na mga kababaihan, o di kaya ay kanilang mga alipin na kababaihan, o di kaya ay mga kapatid na kababaihan sa pananampalataya, o di kaya ay ang anumang pagmamay-ari nila na mga alipin na mga kalalakihan, o di kaya ay mga matatanda na kalalakihan na wala nang pagnanasa sa mga kababaihan na katulad ng ulyanin na sunud-sunuran na lamang sa iba para makakain o makainom, o di kaya ay mga bata na kalalakihan na wala silang kamuwang-muwang sa mga pribadong bahagi ng mga kababaihan, at wala pa silang pagnanasa,…. [Surah An-Nur : 24]
Malinaw sa Ayah na nabanggit na maaaring ipakita ng mga Muslimah ang kanilang Awrah sa kapwa nila Muslimah, sa mga babaeng alipin o mga bata na wala pang muwang pagdating sa kahalayan /sex.
Gayunpaman, ang tanong dito ay kung ano ang klase o uri ng pananamit ba ang suot ng babae na maaari niyang ipakita sa mga nabanggit? Ang mga tanong na ito ang sinagot ni Shaykh Saleh bin Fawzaan bin Al-Fawzaan sa kanyang mga Fatwa na sumusunod;
1. Maraming babae ang nagsasabi na ang Awrah daw ng kababaihan sa kapwa niya babae ay iyong nasa pagitan ng kanyang pusod at tuhod. Kaya naman, ang iba sa kanila ay walang pakialam na magsuot ng mga damit na masisikip o di kaya ay nakabukas, na naglalantad ng malaking bahagi ng kanilang dibdib at braso. Ano po ang masasabi ninyo tungkol dito?
SAGOT: Ang inaasahan mula sa isang Muslimah ay ang kanyang pagiging marangal at mahiyain, na siya ay magsisilbing mabuting halimbawa sa kanyang mga kapatid na Muslimah sa kanilang relihiyon, at hindi niya dapat ilantad ang higit sa kung ano ang normal na makita mula isang babaeng mananampalataya. Ito ang pangunahin nilang tungkulin sapagkat ang pagiging pabaya sa paglalantad sa mga bahaging ito na hindi naman hinihingi o dala ng pangangailangan ay maaaring humantong sa pagiging pabaya at mas walang pakialam na pagpapakita ng ipinagbabawal. Wa Allaahu ‘alam!. [Al-Muntaqaa min Fatawaa vol.3 p307 #453]
2. Ang mga babae po ba na may suot na masikip na damit sa harap ng kapwa nila babae ay napapabilang sa hadith na [...mga babae na nakasuot ng damit ngunit mistulang nakahubad....]
SAGOT: Walang pag-aalinlangan na ang pagsusuot ng masikip na damit na naglalantad sa kaakit-akit na hubog ng katawan ng babae ay hindi pinahihintulutan, hindi pinahihintulutan maliban sa piling ng iyong asawa.
Ngunit kung ito ay gagawin niya sa piling ng ibang tao na hindi naman niya asawa, ito ay ipinagbabawal. Kahit pa mga kababaihan lamang ang nakakakita, sapagkat ito ay magsisilbing isang maling halimbawa na maaaring gayahin ng kanyang mga kasama. At siya ay pinag-utusan na takpan ang kanyang awrah ng panakip na maluwag at huwag itong aalisin maliban sa piling ng kanyang asawa. Kung gayon ay tatakpan niya ang kanyang sarili sa harap ng kababaihan katulad rin ng pagtatakip niya kung mga kalalakihan naman ang nakakakita. Maliban na lamang sa piling ng kababaihan na siya ay pinahihintulutan na ipakita ang kanyang mukha, kamay, paa at kung anoman na hindi na niya kailangan na takpan. [Al-Muntaqaa min Fatawaa vol.3 p307 #454]
3. Ano ang pagsasabatas sa pagsusuot ng maninipis o di kaya ay masisikip na damit na naglalantad na sa katawan ng isang babae?
SAGOT: Obligasyon ng babae na ang damit nilang isusuot ay hindi manipis at ang kulay ng kanilang balat ay maaaninag mula rito, at hindi rin masikip na nalalantad na ang hubog ng kanilang katawan sapagkat sinabi ni Propeta Muhammad (salallaahu alayhi wa salam):
….Dalawang klase ng tao na mananahan sa Apoy ang hindi ko pa nakikita, Mga babaeng nakadamit ngunit tila nakahubad , kapag sila ay naglalakad ay humahampas ang kanilang balakang (kumekembot) , at sa tuktok ng kanilang ulo ay ang kanilang buhok na parang ang bukol ng kamelyo sa kaniyang likod , sila ay hindi makakapasok sa Jannah o kahit ang amoy nito ay hindi nila malalanghap, at mga lalaki na mayroong latigo na kahalintulad ng buntot ng baka na ginagamit nila upang ipanghampas sa mga alipin ni Allaah (subhanahu wa ta’ala). [Sahih Muslim]
Si Shaykul Islam ibn Taymiyyah (rahimahullaah) ay nagpahayag sa Majmoo Fatawaa na ang kahulugan ng [nakadamit ngunit tila nakahubad] ay iyong nakasuot ng damit na hindi naman natatakpan ang lahat ng dapat takpan kung kaya siya ay tila ba nakahubad rin, katulad ng babae na nagsusuot ng manipis na damit na naaaninag na ang kulay ng kanyang balat, o nagsusuot ng damit na masikip na ang hubog ng kanyang katawan ay nakakorte na. Katotohanan na ang pananamit ng kababaihan ay nararapat na tumatakip sa kanyang katawan at hindi nagpapakita kung ano ang hubog nito dahil ito ay maluwag at hindi manipis. [Al-fatawaa al-jaamatu li Imra'atul Muslimah vol.3 p845 #763]
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa Fatwaa na ibinigay ni Shaykh Fawzaan tungkol sa Awrah ng kababaihan sa piling ng kanyang kapwa Muslimah. Nawa ay nagbigay ito ng kaliwanagan.
At para naman doon sa mga nagsasabi na ang Awrah nila ay nasa pagitan ng pusod at tuhod, ito ang narraapat nilang malaman;
1. Una, ay magpakita kayo ng katibayan/dalil na siyang babali sa sinabi ng Ulaama.
2. Pangalawa, kung ang tatanggapin ay ang batayan ninyo sa kung ano ang Awrah ninyo sa piling ng inyong kapwa Muslimah, ay nangangahulugan ito na hindi bawal ang pagsusuot ng mga ‘hipsters’, leggings’, stretch jeans’, at iba pang kasuotan na naglalantad na sa hubog ng katawan at kulay ng balat, katulad ng paliwanag ni Shaykh Fawzaan (hafidhahullaah).


No comments:

Post a Comment

Share