Pages

Wednesday, April 1, 2015

Ang Pangangalaga ng Islam Para sa Babae Bilang Asawa

SA NGALAN NG ALLAH, ANG MAPAGPALA, ANG MAHABAGIN

Ang Allah, Ta'ala, ay nagsabi, Qur’an 30:21:

At isa sa Kanyang palatandaan (ayah) ay ito, na nilikha Niya mula sa inyong sarili ang (babae para) maging asawa upang sakaling inyong matagpuan ang katiwasayan (katahimikan) sa kanila. At Kanyang inilagay sa pagitan ninyo ang pagmamahal at awa. Katotohanan, sa mga ito, ay tunay na palatandaan para sa mga taong nag-iisip.

Isa sa dakilang palatandaan ng Allah ay ang pagkakalikha sa babae bilang asawa ng lalaki upang sila (lalaki) ay magkaroon ng kaginhawahan, kapahingahan at magkaroon ng kasiyahan at pangangalaga mula sa isa't isa. Ang lalaki at babae ay kapwa nagkakaroon ng kaginhawahan, kasiyahan at pangangalaga mula sa isa’t isa.

Ang asawang babae, ayon sa Islam, ay isa sa pangunahing haligi at pundasyon ng buong lipunan. Siya ang pangunahing pundasyon na kung saan itinatatag ang lslamikong tahanan. Ang Islam ay nagbibigay sa babae ang mga itinakdang karapatan at ipinag-uutos sa kanya na magsagawa ng mga itinakdang tungkulin katulad ng paglalahad sa mga sumusunod na pahina.

Ang Mahar (Dote o handog)

Ang Mahar (dote o handog) ay isang karapatan ng bawa’t babae bago ikasal. Ito ay isang handog na itinakda at ipinag-utos ng Islam. Ang kasunduan sa kasal ay hindi maaaring maging ganap maliban at hanggang ang Mahar ay hindi sinasang-ayunan. Ang Mahar ay hindi maaaring hindi isaalang-alang kahit na sang-ayunan ng ikakasal, hanggang hindi naisasagawa ang kasunduan sa Kasal. Ang babaing ikakasal ay may karapatan kung ano man ang kanyang gawin sa kanyang mga ari-arian pagkaraan ang kasunduan sa kasal ay natupad.

Ang Allah, Ta'ala, ay nagsabi, Qur’an 4:4:

Handugan ng Mahar ang babaing inyong pakakasalan ng mabuting puso, ngunit kung sa kanilang sariling kapasiyahan, isauli ang ilang bahagi nito sa iyo, tanggapin ito at tamasahin ito ng walang pangamba (sapagkat ginawang lehitimo ng Allah ito).

Ang Mahar ay isa sa karapatan ng babae. Ang asawang lalaki ay hindi pinahihintulutang bawiing muli ang Mahar kung siya ay nagpasiyang magdiborsiyo.

Ang Allah, Ta'ala, ay nagsabi, Qur’an 4:20-21:

Kung naisin ninyong palitan ang inyong asawa ng isa at bigyan mo ang isa sa kanila ng isang Quintar (100 kg ng ginto) bilang Mahar, huwag ninyong bawiin itong muli. Kukuhanin ba ninyo ito ng may kamalian na walang karapatan at ng may hayag na kasalanan? At paano ninyong babawiin ito samantalang kayo ay nagkasama sa isa’t-isa. At sumang-ayon sila mula sa inyo ng isang matatag at matibay na kasunduan?

Ang Allah, Ta'ala, ay nagsabi rin, Qur'an 4:19;

O, kayong mananampalataya! Ipinagbabawal sa inyo ang manahin ang babae ng laban sa kanyang kalooban, at hindi kayo dapat makitungo sa kanila ng may kalupitan, na inyong babawiin ang ilang bahagi ng inyong ipinagkaloob maliban kung sila ay nagkasala ng pakiki-apid at mamuhay sa kanila (piling) ng may dangal. Kung hindi ninyo sila nais, maaaring hindi ninyo nais ang isang bagay at ang Allah ay nagbibigay mula dito ng isang dakila (nag-uumapaw) na buti.

Ang talatang ito ay nagbibigay katiyakan sa karapatan ng babae katulad ng pagkakalarawan sa itaas.

Ipinagbabawal at hindi ito pinahihintulutan na manahin ang mga babae ng laban sa kanilang kalooban. Ating inilarawan sa mga naunang ang mga Arabo sa panahon bago dumating ang Islamikong Lipunan ay laging minamana ang kababaihan. Kung ang asawang lalaki ay namatay na mayroong mga anak na lalaki sa mga unang pag-aasawa, ang nabalong babae ay mamanahin ng nakatatandang anak sa unang pag-aasawa o kung hindi naman ay ipamimigay ang biyuda sa ibang lalaki. O kaya ay pinagbabawalang mag-asawang muli ito.

Sa Qur'an, ipinagbabawal ng Allah, Ta'ala, sa lalaki na pagmalupitan ang asawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng pasakit, pang-aapi at pagpapasan ng mabibigat na gawain, pang-iinsulto, pananakit at paggasta ng kanyang yaman, pagpigil sa kanya na lumabas ng bahay.

Ipinahihintulot ng lslamikong batas at aral na patawan ng lalaki ang babae ng parusa kung ang babae ay nagpapakita ng kahalayan o kalaswaan at nagdudulot ng kahihiyan sa lipunan. Ang isang babaing nangangalunya o gumagawa ng kalaswaan ay maaaring pakitunguhan ng malupit sa pamamagitan ng pagbawi ng kanyang mahar. Pagkaraan nito, siya ay maaaring idiborsiyo.

Ang Allah, Ta'ala, ay nag-utos na ang asawang lalaki ay dapat mamuhay ng marangal kasama ng asawang babae. Ang lalaki ay dapat magsalita ng may kabaitan at gumawa ng magagandang bagay sa kanyang asawa. Ang lalaki ay dapat magbihis ng disente katulad ng pagnananais niyang maayos na pagbibihis ng kanyang asawa. Ang,Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang pinakamabuti sa inyong mga nananampalataya ay silang may mabuting asal. Ang pinakamabuti sa mga lalaki ay silang mababait sa kanilang mga asawa. (Tirmidhi.)

Ang Sugo ng Allah (sas) ayon sa pagsasalaysay ay laging maayos, kaaya-aya at mabait sa lahat. Siya ay nakikipaglaro at nagbibirong maayos at malinis sa kanyang pamilya. Si Imam Ahmad ay nagsalaysay tungkol sa Sugo ng Allah (sas) na nagsabi:

Ang lahat ng laro na maaaring laruin ng isang lalaki ay walang kabuluhan at ito’y pag-aksaya ng oras maliban sa tatlong bagay: pagsasanay ng palaso, pangangabayo at pakikipagkatuwaan sa kanyang asawa. Ang tatlong bagay na ito ay lehitimo at makatotohanan. (Tirmidhi.)

Ang Sugo ng Allah (sas) ay gumugugol ng salapi sa kanyang pamilya sa abot ng kanyang makakayanan. Siya (sas) ay kilala sa disenteng paglalaro at pagbibiro. Si Aisha (raa), ang ina ng mga mananampalataya ay nagsalaysay:

Ang Sugo ng Allah ay nakipaghabulan sa akin at tinalo ko siya bago ako tumanda at bumigat... pagkaraan noon, nang ako ay may edad na at mabigat, siya ay nakipaghabulan muli sa akin at siya ay nanalo. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi sa akin pagkaraang siya ay manalo, ‘Ang pagkapanalo ko sa iyo ay binubuo ng pagkakapanalo mo. (Imam Ahmad)

Kung siya ay nasa bahay, ang Sugo ng Allah (sas) ay nakikipag-usap sa kanyang pamilya, sinasamahan niya ang mga ito at nagpapakita sa kanila ng kabaitan bago matulog at pagkaraang magdasal sa gabi. Ang Allah, Ta’ala, ay nagsabi, Qur’an 33:21;

Katotohanan, nasa katauhan ng Sugo ng Allah ang isang huwaran na dapat pamarisan ng mga naniniwala sa Allah at sa Kabilang Buhay at nag-aalaala tuwina sa Allah.

Kayat ang Sugo ng Allah (sas) ay siyang huwaran (at halimbawa) para sundin ng mga Muslim sa lahat ng kanyang gawain, pansarili man o pampubliko.

Ang Katarungan, Ang Pagkakapantay-pantay

Ito ay ipinatutupad lalo na sa mga lalaking mayroong higit sa isang asawa. Ang isang lalaki na mayroong higit sa isang asawa ay nararapat na pantay at makatarungan sa lahat ng kanyang mga asawa at dapat na pakitunguhan ng pantay tungkol sa pagpapakain, pagbibigay ng damit at panahon. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Sinumang may dalawang asawa at hindi nagbigay ng pantay na pakikitungo ay darating sa Araw ng Paghuhukom na paralitiko ang isang bahagi ng katawan. (Tirmidhi.)

Ang Paggugol (Paggasta)

Ang asawang lalaki ay dapat na gumasta mula sa kanyang kinikita at yaman para sa kanyang asawa. Siya ay nararapat na magbigay ng maayos na pamamahay, pang-araw-araw na pangangailangan katulad ng pagkain, damit at anumang gamit sa pamamahay.

Ang Allah, Ta'ala, ay nagsabi, Qur'an 65:7:

Hayaang ang mayamang lalaki ay gumastos ayon sa kanyang kakayahan at ang lalaking mahirap ay gumastos ayon sa ipinagkaloob ng Allah sa kanya. Hindi nagbibigay pahirap ang Allah sa kaninumang tao ng higit sa anumang Kanyang ipinagkaloob sa kanya. Ang Allah ay nagbibigay ng ginhawa pagkaraan ng kahirapan.

Si Hakim bin Muawiyah Al Qushairee ay nagsalaysay tungkol sa kanyang ama:

Ako ay nagtanong sa Sugo ng Allah (sas), ‘Ano ang karapatan ng isang babae sa kanyang asawa?’, Siya ay sumagot, Ang kanyang karapatan ay pakainin siya katulad ng pagpapakain sa iyong sarili, bihisan siya katulad ng pamimihis mo sa iyong sarili, huwag mo siyang saktan sa mukha, huwag gumamit ng masasakit na salita at huwag mong iwanan sa higaan kapalit ng ibang lugar maliban sa tahanan. (Ibn Hibban at Abu Dawood.)

Samakatuwid, kung ang mayamang lalaki ay hindi gumagastos para sa kanyang pamilya at ang asawang babae ay nakakakuha ng bahagi ng kanyang yaman kahit hindi nito nalalaman, siya (ang asawang babae) ay maaaring kumuha ng sapat na panggastos sa pangangailangan niya at ng kanyang mga anak. Ang pasiyang ito ay batay sa isang insidenteng naganap sa buhay ni Hind bint Utbah na lumapit sa Sugo ng Allah (sas) at dumaraing tungkol sa kanyang asawang si Abu Sufyan; Ang aking asawa ay kuripot at ayaw na gumastos sa akin at sa aming mga anak. Ang Sugo ng Allah (sas) ay sumagot, Kumuha ka ng anumang makasasapat sa iyo at sa iyong mga anak. (Al- Bukhari at Muslim)

Kung ang asawang lalaki ay may suliraning pananalapi at hindi niya kayang tuparin ang pangangailangang pananalapi ng kanyang pamilya o kung iniwan niya ang kanyang asawa sa mahabang panahon at nasaktan ito ng dahil sa pagkakalayo niya, ang babae ay may karapatang magsampa ng kairaingan sa korte upang ipawalang saysay ang kasal nila. Ito ay batay sa Hadith na isinalaysay ni Abu Hurayrah. Ang Sugo ng Allah (sas) ay tinanong kung sakaling ang asawang lalaki ay walang sapat na pananalapi upang mabigyang kasiyahan ang pangangailangan ng kanyang asawa, ano ang dapat gawin tungkol sa ganitong pag-aasawa? Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang ganitong pag-aasawa ay dapat ipawalang saysay sa pamamagitan ng paghihiwalay ng lalaki at ng kanyang asawa.

Ang Islam ay nagpapayo sa kalalakihan na pakitunguhan ang kanyang mga asawa ng kabaitan at pagmamahal. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang isang may ganap na pananampatataya ay yaong may mabuting asal. Ang pinakamabuti sa inyo ay silang mabait sa kanilang mga asawa. (Tirmidhi)

Hindi kinalimutan ng Islam ang karapatan ng mga babae sa larangan ng damdamin at kaisipan. Marami pang karapatan bukod sa materyal na karapatan para sa babae. Ang mga sumusunod ay ilan lamang sa pangkaisipan at emosyonal na karapatan ng babae:

Ang mga babae ay nararapat pangalagaan mula sa mga masasamang tao. Sila ay hindi dapat ilantad sa mga pook na malalaswa tulad ng night clubs, disco at iba pa.

Ang Allah, Ta’ala, ay nagsabi, Qur’an 66:6;

O, kayong nananampala, ilayo ang inyong sarili at ng inyong mga pamilya sa sa Apoy (Impiyemo) na ang panggatong ay mga tao at bato na binabantayan ng mga angel na malulupit at mahihigpit. Na hindi sumusuway sa Kautusang tinatanggap mula sa Allah, at ginagawa kung anong ipinag-uutos.

Ang mga babae ay nararapat turuan ng mga mabubuti at kapaki-pakinabang na bagay. Ang lahat ng kanilang mga lihim at pagkukulang ay nararapat itago. Ang mga pansariling gawain ay hindi dapat ipamalita kaninuman maging sa kanilang mga malalapit na kaibigan. Anumang ginagawang pribado ng lalaki sa kanyang asawa ay hindi dapat ibunyag kaninuman. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang isa sa pinakamasamang tao sa paningin ng Allah sa Araw ng Paghuhukom ay silang mga asawang lalaki at babae na ibinubunyang ang mga pribadong gawain nila sa ibang tao. (Muslim.)

Ang Pagdaan ng Gabi at ang Pagsasakatuparan ng pangangailangang Seksuwal

Ang isa sa karapatan ng Babae sa Islam na binibigyan ng kahalagahan ay ang pagsasakatuparan ng seksuwal na obligasyon mula sa kanyang asawa. Ito ay upang mabigyang katiyakan ang kasiyahan nito at makaiwas ang asawang babae sa mga nakakahiyang gawain na ipinagbabwal ng Allah.

Sa katotohanan, ang Islam ay nagbabawal sa asawang lalaki na ibuhos ang lahat ng panahon sa (nawafil- mga salah na kusang loob (hindi obligadong salah)]) pagdarasal at pag-aayuno kung ito ay nakakahadlang sa pag-aasikaso at likas na pangangailangan ng kanyang asawa.
Si Salman Al Farsi (raa) ay nagsalaysay ng ganito:

Aking dinalaw si Abu Darda, pagdating ko sa kanila, ako ay binati ng kanyang asawa na nakasuot ng karaniwang pambahay na damit. Nang makita ko ang kanyang kasuotan tinanong ko siya kung bakit nakasuot siya ng simple at karaniwang damit at hindi damit na makasisiya sa kanyang asawa. Ang babae ay sumagot: Ang iyong kapatid ay walang interes sa anupamang bagay dito sa mundo. Ginugugol ang gabi sa pagdarasal at sa araw naman ay ang pag-aayuno. Nang dumating si Abu Darda, binigyan nito ng pagkain at si Salman ay nagsabi, "Bakit hindi ka sumalo sa akin.” Si Abu Darda ay sumagot, "ako ay nag-aayuno." Si Salman ay nagsabi, "ako ay nangako sa Allah na lisanin mo ang pag-aayuno at kumaing kasalo ko." Si Abu Darda ay kumain. Lumipas ang gabing kasama ni Salman si Abu Darda. Tumindig si Abu Darda upang mag-alay ng dasal. Pinigil siya ni Salman at siya ay nagsabing, "Ang iyong katawan ay may karapatan sa iyo, ang iyong Panginoon ay may karapatan sa iyo at ang iyong pamilya ay may karapatan sa iyo. Mag-ayuno sa ilang mga araw at huwag mag-ayuno sa ibang araw, lumapit ka sa iyong asawa at bigyan mo ng katuparan ang kanyang likas na pangangailangan. Ibigay ang karapatan ng ibang tao." Sa pagsapit ng madaling araw, pinahintulutan ni Salman si Abu Darda na tumayo at magdasal. Kapwa sila nagdasal at tumungo sa Masjid para sa Salatul Fajr. Pagkaraan ng Dasal, si Abu Darda ay lumapit sa Propeta ng Allah (sas) at nagsabi kung ano ang ginawa at sinabi sa kanya ni Salman. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagpatunay, 'Sinabi ni Salman ang katotohanan” (Al-Bukhari)

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga karapatan ng asawang babae ayon sa Islam:

Ang asawang lalaki ay hindi dapat maglakbay at lumayo sa tahanan ng higit sa anim na buwan. Ang asawang babae, batay sa kanyang likas na katangian, ay maaaring hayaan ang pagkakalayo ng kanyang asawa ng higit sa anim na buwan o maaari din siyang magsabi sa kanyang asawa na umuwi bago ang takdang panahong ito. Ang asawang lalaki ay hindi dapat tumanggi sa pakiusap ng kanyang asawa maliban kung ito ay may matibay at matatag na dahilan.

Ang asawang lalaki ay hindi dapat magpasiya sa anumang sa ngalan ng asawang babae. At hindi siya dapat makialam sa anumang pananalaping gawain ng asawang babae maliban kung ito ay bigyan ng pahintulot. Ang asawang lalaki ay walang karapatangkuhanin ang ari-arian ng asawa ng walang pahintulot.

Ang asawang lalaki ay dapat kumunsulta sa kanyang asawa tungkol sa malalaking pampamilyang kapasiyahan, sa mga gawain ng mga anak at pinagkaisang mga gawain. Hindi makatuwiran na diktahan ng lalaki ang lahat ng kasambahay at hindi makinig sa payo o opinyon ng kanyang asawa. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagbigay na isang praktikal na halimbawa noong Araw ng Pakikipagkasunduan ng Hudaibiyah (Peace Treaty of Hudaibiyah) nang siya ay nag-utos sa kanyang mga kasamahan na ahitin ang kanilang mga anit at alisin ang kanilang Haj/Umra na damit-lhram, ngunit sila ay napakabagal at hindi nila minadali ang pagsasagawa nito. Si Umm Salamah (raa), na asawa ng Sugo ng Allah (sas) ay nagbigay ng payo na mauna itong gawin at lumabas upang makita ng kanyang kasamahan. Sinunod ng Sugo ng Allah (sas) ang suhestiyon ng kanyang asawa. Kapagdaka'y nakita ng mga kasamahan niya ito at sila ay dali-daling isinagawa ang ipinag-uutos sa kanila.

Ang asawang lalaki ay dapat iwasan ang pagsubaybay sa maliit na pagkakamali na nagawa ng kanyang asawa. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang asawang lalaki ay hindi dapat dumating ng huli sa gabi mula sa paglalakbay ng walang maayos na paghahabilin. (Al-Bukhari at Muslim.)

Ang asawang lalaki ay dapat na maging mabait, maasikaso at mapagbigay sa kanyang asawa. Siya ay dapat maging matapat, magalang, matiisin at dapat isa-alang-alang ang kanyang likas na pagkatao. Ang asawang lalaki ay dapat magpakita ng pagmamahal, tunay na pangangalaga sa kanyang asawa. Ang Allah, Ta'ala, ay nagsabi, Qur'an 4:19:

O, kayong mananampalataya! Ipinagbabawal sa inyong manahin ang babae laban sa kanyang kalooban, at hindi kayo dapat makitungo sa kanila ng may kalupitan, na inyong babawiin ang ilang bahagi ng mahar na inyong ipinagkaloob maliban kung sila ay nagkasala ng pakiki-apid at mamuhay sa kanila (piling) ng may dangal. Kung hindi ninyo nais sila, maaaring hindi ninyo nais ang isang bagay at ang Allah ay nagbibigay mula dito ng isang dakila (nag-uumapaw) na kabutihan.

Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang isang nananampalataya ay hindi dapat magpahayag ng pag-ayaw sa kanyang nananampalatayang asawa. Maaaring mayroong bagay na hindi nais ang lalaking asawa ngunit katiyakan na mayroong din pagnanais sa ibang katangian nito. (Muslim)

Ang Pangangalaga ng Islam Para sa Babae Bilang lsang Ina

Ang Qur'an ay nagbigay pansin sa karapatan ng babae bilang ina ng tahanan. Ang Allah, Ta'ala, ay nagsabi, Qur'an 17:23;

Ang inyong Panginoon ay nag-utos na wala kayong dapat sambahin maliban sa Kanya. At maging masunurin, mabait at mapagmahal sa inyong mga magulang. Kung ang isa sa kanila o kapwa sila ay nasa katandaan, huwag magsalita sa kanila ng masakit na salita o daing o walang paggalang o pagsigaw sa kanila. Bagkus sila ay igalang.

Ang Allah, Ta'ala, sa bersikulong ito ay inilagay ang Kanyang karapatan kasunod ng karapatan ng magulang sa anak. Ito ay nagpapatunay lamang ng kahalagahan ng magulang sa Islam. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang paraiso ay nasa paanan ng Ina.

(Ang Hadith na ito ay isinalaysay ni Al Nasaiee at Ibn Majah ng ganito: lsang tao ang lumapit kay Propeta Muhammad (sas) at nagsabi: O, Propeta ng Allah, ako ay naglalayong sumama sa Jihad. Ako po ay naparito upang humingi ng payo. Ang Propeta ay nagtanong, Mayroon ka pa bang (buhay) na ina? Ang lalaki ay sumagot na, Opo. Ang Propeta ay nagsabi: Huwag mong iwan ang iyong ina. Ang Paraiso ay nasa kanyang paanan.")

Ito ay nagpapahiwatig na ang, pagmamahal, pag-aasikaso at paglilingkod sa ina ay isang paraan upang makamit ang kasiyahan ng Allah at ang paraan tungo sa Paraiso na siyang pangako Niya sa mga matutuwid na Muslim.

Ang mga ina, bago ang ama ay una na dapat bigyan ng kabaitan, pangangalaga at magandang pakikitungo. Si Abu Hurayrah (raa) ay nagsalaysay:

Isang lalaki ang lumapit sa Sugo ng Allah at nagtanong, O Propeta ng Allah, sino ang unang dapat kong pagsilbihan at pangalagaan? Ang Sugo ng Allah (sas) ay sumagot; Ang iyong Ina. Ang lalaki ay muling nagtanong, Sino ang sumunod sa kanya? Ang Sugo ng Allah ay sumagot; Ang iyong Ina. Ang lalaki ay nagtanong muli, Sino ang sumunod?, Ang iyong Ina. Ang lalaki ay muling nagtanong, Sino ang sumunod sa kanya? Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi: Ang iyong Ama. (Al-Bukhari at Muslim.)

Ang Hadith na ito ay nagpapahiwatig lamang na ang ina ay nakahihigit ng tatlong ulit sa karapatan kaysa sa ama. Ito ay ipinagkaloob ng Islam sa ina dahil sa pagsasaalang-alang sa kahirapang dinaranas ng ina sa ibat-ibang antas ng buhay mula sa panganganak, pagsilang, pangangalaga at pagpapalaki ng mga anak. Habang ang bata ay nasa sinapupunan, ang ina ay tunay na nagtitiis ng siyam na buwan. At sa pagsilang ng bata, ang ina ay nagpapasuso sa anak, nagpupuyat sa gabi para sa pag-aasikaso ng kanyang anak. Ang Qur'an 31:14, ay naglarawan ng ganito:

At Aming ipinag-utos sa tao na maging masunurin (maasikaso) at mabait sa kanyang mga magulang. Ang kanyang ina ay nagtiis sa pagpapasan sa kahinaan at kahirapan. Ang pagpapasuso ay dalawang taon. Magpasalamat sa Akin at sa iyong mga magulang. At sa Akin ang inyong pagbabalik.

Ang mga ina samakatuwid ay binigyan ng nakahihigit na pagpapahalaga kaysa sa mga ama at sa kaninuman sa ganitong bagay. Na ang tao ay dapat bigyan ng higit na kabaitan, pag-aasikaso, pagmamahal, pagsunod at pagtulong ang ina.

Ang mga magulang, ayon sa Islamikong aral at prinsipiyo, ay nararapat sundin, igalang hanggang hindi sila nag-uutos sa kanilang mga anak na sumuway sa kanilang Panginoon, ang Allah, Ta'ala. Kung ang magulang ay mag-utos sa kanilang mga anak na gumawa ng mga bagay ng pagsuway sa Allah, Ta’ala, sa anumang uri, sila (magulang) ay hindi dapat sundin, sa Qur'an 31:15;

At kung ang mga magulang ay mag-utos sa inyo na sumamba kayo sa iba bukod sa Akin, huwag ninyo silang sundin ngunit pakitunguhan sila, dito sa mundo ng may kabaitan at sumunod sa landas ng sinumang nagbalik-loob (nagsisi) at tumalima sa Akin. At sa Akin ang inyong pagbabalik at Aking sasabihin sa inyo kung ano ang inyong ginawa sa buong buhay ninyo.

Ang pag-aasikaso at pagmamahal sa magulang lalo na sa kanilang katandaan ay higit kaysa sa pagsasagawa ng Jihad. Hanggat hindi puwersahan ang makilahok sa Jihad, ang pag-aasikaso sa magulang ay dapat bigyan ng higit na pansin.

Si Ibn Mas'ud (raa) ay nagsabi

Tinanong ko ang Sugo ng Allah, Ano ang gawaing ikasisiyang higit ng Allah? Ang Sugo ng Allah ay nagsabi; Ang pagiging mabait, maasikaso, magalang sa inyong mga magulang. Ano ang sumunod dito? Ang Sugo ng Allah (sas) ay sumagot; Ang pakikipaglaban (Jihad). (Al-Bukhari at Muslim.)

Si Abdullah bin Amr bin Al Aas (raa) ay nagsalaysay na:

May isang lalaki ang lumapit sa Sugo ng Allah at nagsabi; O, Propeta ng Allah, aking ibibigay ang pakikipagkasundo sa pamamagitan ng paglikas (hijrah) at pakikipaglaban (Jihad) na ang tanging layunin ko ay magkaroon ng gantimpala mula sa Allah.

Nang siya ay narinig ng Sugo ng Allah (sas) kanya itong tinanong, Buhay pa ba ang iyong mga magulang? Ang tao ay sumagot, O Propeta ng Allah, Sila ay buhay pa. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi, Kung ang kasiyahan at gantimpala ng Allah ang iyong hinahanap, bumalik ka sa iyong mga magulang at tiyakin mo na ang gagawin mo ang pinakamahusay, para asikasuhin sila, alagaan sila, lalo na sa panahon ng kanilang katandaan. (Al-Bukhari at Muslim.)

Ang mga magulang ay nararapat igalang, sundin at bigyan ng salaping panustos ng kanilang mga anak kahit na sila ay hindi Muslim hanggang hindi sila nag-uutos sa kanilang mga anak na anumang gawang pagsuway sa Allah, Ta'ala. Si Asma, ang anak na babae ni Abu Bakr (raa) ay nagsabi:

Ang aking ina, na isang pagano ay dumalaw sa akin. Ako ay nagpunta sa Sugo ng Allah (sas) at humingi ng payo kung ano ang aking dapat gawin tungkol sa pagkakadalaw ng aking ina sa kabila ng katotohanan na ang aking ina ay nagkakaroon ng interes sa Islam. Akin ba siyang pakikitunguhan (na may kabaitan at bibigyan ng salapi?) Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi: Oo, dapat na ikaw ay maging mabait sa kanya (at bigyan ng salapi bilang pangangalaga sa kanya kahit na siya ay isang pagano).

Ang isang anak ay nararapat na tumulong at magbigay ng pangangalaga sa kanilang mga magulang sa iba't-ibang gawain sa pang araw-araw. Ang Sugo ng Allah (sas), ay nagsusulsi, ng kanyang sariling damit, inaayos ang sariling sapatos at tumutulong sa kanyang pamilya. Ang katotohanan pa nito, si Aisha (raa), minsan ay tinanong ng iba.

Ano ang palagiang ginagawa ng Sugo ng Allah (sas) habang siya ay nasa bahay? Si Aisha (raa) ay sumagot: Ang Sugo ng Allah (sas) ay laging naglilingkod at tumutulong sa gawaing bahay, ngunit kung kanyang marinig ang tawag ng Salah, siya ay dali–daling umaalis ng bahay.

Ang kabutihan, kabaitan, pagsunod at pangangalaga sa pangangailangan ng magulang, sa katotohanan, ay higit na bibigyan ng pagsasaalang-alang kaysa sa ibang uri ng ibadah (pagsamba). Ito ay batay sa isang Hadith na isinalaysay ni Abu Hurayrah na nagsabing;

Wala na maliban sa tatlong sanggol ang nagsalita habang sila ay nasa duyan:

Ang una ay si Hesus, anak ni Maria (as). Ganito ang kasaysayan ; Nang si Maria ay nagsilang kay Hesus, ang kanyang mga kababayan ay nagparatang (at nagbintang) na siya ay masamang babae. Hindi nila matanggap na siya (Maria) ay manganak sa pagkadalaga sa dahilang wala silang alam na asawa nito. Ang angkan ni Maria ay kilala bilang mga banal at mabuting angkan. Iginagalang ang kanilang lahi. Walang ibinigay na paliwanag si Maria bagkus kanyang itinuro ang batang sanggol na si Hesus na nasa duyan. Nang itinuro ni Maria ang sanggol na si Hesus, ang mga tao ay nagsabi ‘Paano makapagsasalita ang isang batang paslit na nasa duyan?’ Ang sanggol na si Hesus ay himalang nagsalita at siyang nagpatunay at nagpaliwanag sa naging katayuan ng kanyang ina: Sa Qur’an (19: 29-32) ay nagpahayag tungkol sa sinabi ni Hesus nang siya ay nasa duyan pa lamang:

At kanyang (Maria) itinuro. At sila (mga tao) ay nagsabi: Paano makapagsasalita ang isang sanggol na nasa duyan? Siya (Hesus) ay nagsalita: Katotohanan! ako ay alipin ng Allah, ipinagkaloob sa akin ang Kasulatan at ginawa Niya akong isang Propeta. At ako ay Kanyang pinagpala saan man ako naroroon at ipinag-utos sa akin ang pagdarasal, at pagkakawanggawa (Zakah) habang ako ay nabubuhay. At naging masunurin sa aking Ina...

Ang ikalawa ay isang Israelita sa panahon ni Juraij. Si Juraij ay isang hermitanyo na nag-iisang namuhay sa isang selda at inilaan ang kanyang panahon sa pagdarasal at pagsamba sa Allah. Isang araw, ang ina ni Juraij ay humingi ng tulong sa kanya habang siya ay nagdarasal. Siya (Juraij) ay nagsabi: O, Allah, ako ay nalilito kung sino ang dapat kong bigyan ng pagsasaalang-alang, ang aking pagdarasal o ang aking ina? lpinagpatuloy niya ang kanyang pagdarasal at tinalikdan niya ang pagsusumamo ng kanyang ina.

Nang makita niya ito, ang kanyang ina ay umalis. Kinaumagahan, ganito rin ang pagsusumamo ng kanyang ina at patuloy pa ring nagdarasal si Juraij at hindi binigyang pansin ang ina. Nang sumunod pang araw, tinawag siyang muli ng kaniyang ina at humihingi ng tulong katulad ng naunang dalawang araw. Hindi rin binigyang pansin ito ni Juraij. Nang makita nito, ang ina ay nagsabi: O, Allah, itulot ninyo na bago mamatay si Juraij, naway makatagpo siya ng babaing nagbibili ng aliw. Ang mga Israelitas ay humahanga sa pamamaraan ng pagsamba, pagdarasal at pag-iisa ni Juraij. Noong panahong yaon, may isang maganda at kaakit-akit na babaing nagbibili ng aliw ang nagbigay ng suhestiyon sa mga Israelitas. Kung nais ninyo, aakitin ko si Juraij at hahayaan ko siyang umibig sa akin at gumawa ng pangangalunya. Ang babaing ito ay umalis na may layuning isagawa ang balakin. Ginawa niya ang lahat upang mahulog sa tukso si Juraij ngunit siya ay nabigo. Gayunpaman, nilapitan niya ang isang pastol na malapit sa tirahan ni Juraij at ipinagkaloob ang kanyang sarili. Siya ay nabuntis. Matapos ng panganganak, inakusahan niya si Juraij bilang ama ng kanyang anak. Ang mga Israelitas ay sumugod sa tirahan ni Juraij at ito ay pinagtabuyan, sinira ang bahay at siya ay sinaktan. Si Juraij ay nagtanong kung bakit siya nilapastangan ng mga ito. Sila (mga Israelitas) ay nagsabi: Ikaw ay nangalunya sa isang babaing nagbibili ng aliw at ito ay nagkaanak mula sa iyo samantalang ikaw ay nagkukunwaring isang makadiyos na tao. Si Juraij ay nagsabi: Maaari ba ninyong dalhin sa akin ang sanggol at hayaan ninyo akong mag-alay ng dasal upang patunayan ko sa inyo na hindi ako ang ama ng batang yan. Pinahintulutan ng mga Israelitas na magdasal si Juraij at dinala ang sanggol. Nang matapos ang pagdarasal niya, siya ay lumapit sa sanggol at tinanong ito: Sino ang iyong tunay na ama? Ang sanggol na nasa duyan ay nagsalita; Ang aking ama ay yaong pastol. Nang marinig ang pagpapahayag ng sanggol, niyakap ng mga Israelitas si Juraij at humingi ng kapatawaran at nagsabing: Dapat ba naming ipagpatayo kang muli ng tirahan mo na yari sa ginto? Siya ay sumagot; Hindi, ngunit ipagpatayo ninyo ako ng yari sa lupa katulad noong dati. At sila ay gumawa.

Ang ikatlo ay isang sanggol na sumususo sa ina nang ang isang kabalyero na nakasuot ng maringal na damit at nakasakay sa magandang kabayo. Ang nagpapasusong ina ay nagsabi: O, Allah, gawin mo pong katulad ng kabalyerong ito ang aking anak na lalaki. Nang marinig ng sanggol ito, siya ay huminto sa pagsuso at nagsabi habang nakatingin ito sa sundalo. O, Allah, huwag Mo po akong gawin katulad ng kabalyero ito. Pagkaraan nito, siya ay muling sumuso sa ina. Pagkaraan nito nadaanan ng ina at sanggol ang isang alipin na sinasaktan ng kanyang amo at pinagbibintangang nangalunya at nagnakaw. Ang alipin ay nagsabi: 'O, Allah, sapat na po kayo sa akin at Kayo ang aking Tagapagtanggol.’ Ang ina ay nagsabi: O, Allah, huwag ninyong itulot na matulad ang anak ko sa aliping ito. Nang marinig ito ng sanggol, siya ay huminto sa pagsuso at nagsabi: O, Allah, gawin mo po akong katulad ng babaing ito. Nang marinig ng ina, siya ay nagsabi, O, anak, ano bang nangyari sa iyo? Isang magandang bihis na kabalyero na nakasakay sa magandang kabayo, makapangyarihan at hinangad kong maging katulad ka niya, ikaw ay tumanggi. Nang nadaanan natin ang isang alipin na sinasaktan ng kanyang amo at dinidisiplina ng dahil sa pangangalunya at pagnanakaw, at hiniling ko sa Allah na huwag kang matulad sa aliping yaon ngunit tinanggihan mo rin ang aking dalangin. Ang sanggol ay nagsalita: O, aking ina, yaong kabalyero ay isang mabagsik at masama. Samakatuwid, dinalangin ko sa Allah na huwag akong gawing katulad niya. At yaon namang alipin na pinagbibintangan, siya ay hindi tunay na nangalunya at nagnakaw. Kaya, nagsumamo ako sa Allah na gawin akong inosente at malinis na katulad niya. (Al-Bukhari at Muslim.)

Nagbigay babala ang Islam laban sa pagsuway sa mga magulang, sa di-pagbibigay galang at di-pagbibigay ng salaping panustos. Si Abu Bakrah (raa) ay nagsalaysay na ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Ang kaparusahan sa makamundong kasalanan ay maaaring ipagpaliban hanggang sa Araw ng paghuhukom maliban sa kasalanan ng mga anak sa kanilang mga magulang. Ang kaparusahan sa kasalanang ito ay dapat itakda sa panahon ng tao (habang buhay pa ito sa mundo) at hindi ipagpaliban hanggang sa huli. (Al Hakim)

Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi rin:

Katotohanan, ipinagbawal ng Allah ang pagsuway sa inyong ina, pagpigil sa mga tao mula sa kanilang mga karapatan at ang paghiling sa tao ng anumang hindi nararapat. Ipinagbabawal din sa inyo ang paglilibing ng buhay sa inyong mga anak (sanggol) na babae. Hindi rin Niya nais sa inyo kung sabihin ninyo ng; Ang ibang tao ay nagsasabi ng ganito at ganito. Ipinagbabawal din sa inyo na laging humihingi sa ibang tao at ang pagtatanong sa lahat ng bagay na nakikita at ang paglulustay ng inyong yaman ng walang katuturan. (Al-Bukhari at Muslim.)

Ipinaliwanag din ng Sugo ng Allah (sas) ang pagiging mabuti at mabait sa magulang bilang pangunahing bagay para sa pagsasakatuparan ng dalangin at dasal ng tao sa buong buhay niya. Si Ibn Omar (raa) ay nagsalaysay na ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi:

Tatlong tao noong unang panahon ay lumakad upang mangalakal (magnegosyo). Nang sumapit ang gabi, sila ay natulog sa isang yungib na nasa ilalim ng bundok. Nang sila ay pumasok sa loob, bigla itong napinid at nasarhan ang pintuan. Sila ay nag-usap at napagkaisahan na walang paraang makalalabas maliban sa pagsasagawa ng dasal at dalangin (pagsusumamo). Kailangan humingi tayo ng tulong sa Allah batay sa pinakamabuting bagay na ating ginawa sa buong buhay natin.

Ang unang tao ay nagsabi: O, Allah, ako po ay mayroong matatanda ng magulang na inuuna kong bigyan ng anumang bagay na makakain o maiinom bago pa man ang aking asawa at mga anak. Isang araw ako ay naglakbay ng malayo sa paghahanap ng pagkain para sa aking mga hayop at ako ay dumating sa bahay ng huli. Pagdating ko, natagpuan ko ang aking magulang na natutulog. Aking ginatasan ang tupa upang ibigay sa aking mga magulang para sa kanilang hapunan ngunit ayaw kong gisingin sila upang uminom. Subalit hindi ko ibinigay ito sa aking asawa at anak. Nanatili akong nakatayo na tangan ang gatas habang hinihintay ko silang magising. Sa pagsapit ng bukang-liwayway, sila ay nagising na sa oras namang yaon, ang aking mga anak ay nasa aking paanan at umiiyak para sa gatas. Sa ganoon ding oras, sila ay nagising at aking ibinigay sa kanila ang gatas. O, Allah, kung inyong nalalaman na ito ay aking ginawa ng dahil sa Inyo, nagsusumamo ako na iligtas ninyo kami mula sa sakuna na pinagdurusahan namin. Kapag daka'y ang bato ay naalis ng kaunti sa lagusan ng yungib ngunit hindi kasya ang isang tao upang makalabas.

Ang ikalawang tao ay nagsabi: O, Allah, ako ay may pinsang babae mula sa panig ng aking ama na pinakamamahal ko siya sa lahat. Nais kong makipagtalik sa kanya ngunit siya ay tumanggi. Minsan, siya ay nagkaroon ng suliranin sa pananalapi. Siya ay lumapit sa akin at humingi ng tulong. Binigyan ko siya ng isang daan at dalawampung gintong dinar upang pagbigyan niya ako sa aking kahilingan. Nang dahil sa kanyang pangangailangan at mahirap na kalagayan, siya ay pumayag. Nang nais ko ng simulan ang pakikipagtalik, siya ay nagsabi O, aking pinsan, matakot ka sa Allah. Huwag mong alisin ang aking pagka-birhen maliban sa ilalim ng batas (kasal). Nang marinig ko ito, ako ay tumayo at hindi ko siya ginalaw bagamat siya ay pinakamamahal ko sa lahat ng babae. Hindi ko kinuhang muli ang mga gintong dinar. Makaraan nito, itinaas niya ang kanyang kamay sa langit at nagsabi. O, Allah, kung inyong nalalaman na ito ay aking ginawa ng dahil sa Inyong kasiyahan, ako po ay nagsusumamo na alisin ang kahirapang aming dinaranas. Alisin mo po ang bato mula sa pintuan ng yungib. Muli, ang bato ay gumalaw ng maliit na distansiya, masikip pa rin na hindi maaaring makalabas ang tao mula sa yungib.

Ang ikatlong tao ay nagsabi ng ganito, O, Allah, batid ninyo na noong ako ay may mga manggagawa at sa pagsapit ng hapon, aking binabayaran ang mga ito maliban sa isa na umalis na hindi nakuha ang kanyang sahod. Kaya, aking inimpok ang kanyang sahod at inilagay sa aking negosyo. Ang salaping nauukol sa manggagawang ito ay umunlad. Minsan, pagkaraan ng maraming taon, ang manggagawang ito ay bumalik at nagtatanong tungkol sa kanyang sahod. Itinuro ko sa kanya ang malalaking kawan ng tupa, baka, kamelyo, mga alipin at katulong at sinabi ko sa kanya: Lahat ng iyong nakikita ay sa iyo! Yan ang sahod mo na utang ko sa iyo. Ang dukhang manggagawa ay nabigla at sinabi, "Nakikiusap ako sa iyo na huwag mo akong biruin (paglaruan) at pagtawanan. Ang hinihiling ko lamang sa iyo ay isang araw na sahod? Ako ay sumagot, Hindi kita pinagtatawanan o pinaglalaruan o binibiro. Ito ay sa iyong lahat. Pagkaraan ng pagsasalaysay nito, itinataas ang kanyang kamay sa langit at nagsabi: O, Allah, kung nagawa ko yaon para sa Inyong kasiyahan, nagsusumamo ako na alisin Mo po ang paghihirap na ito na aming pinagdurusahan. Pagkaraan nito, ang bato ay dahan-dahang naalis mula sa pintuan ng yungib at ang tatlong magkakasama ay humayong papalabas muli. (Al-Bukhari at Muslim.)

Sa aral ng Islam, isinasaalang-alang din ang kasiyahan ng magulang, ang pagiging mabait, mabuti, mapagpaumanhin, magalang at mapangalaga sa kanila bilang isa sa mga bagay na nakapag-aalis ng mga kasalanan sa mundong ito. Isinalaysay ni Abdullah Ibn Omar (raa) na nagsabi:

Isang tao ang lumapit sa Sugo ng Allah (sas) at nagsabi: O, Propeta! ako ay nakagawa ng malaking kasalanan. Palagay mo ba ay makapagsisisi ako sa Allah mula rito? Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagtanong: Buhay pa ba ang iyong Ina? Ang tao ay sumagot ng, ‘hindi’. Ang Sugo ng Allah ay nagpatuloy sa pagtatanong; Mayroon ka pa bang buhay na tiyahin (mula sa angkan ng iyong ina)? Ang lalaki ay tumango ng, Oo. Ang Sugo ng Allah ay nagsabi sa kanya: Maging mabait, mapangalaga, matulungin, mabuti at maging magalang sa kanya (Tirmidhi). Ayon sa Islam, ang katayuan ng isang tiyahin ay katulad ng katayuan ng isang ina. Ang Sugo ng Allah (sas) ay nagsabi rin na:

Ang kapatid na babae ng iyong ina ay may kahalintulad na katayuan ng isang ina. (Al-Bukhari at Muslim.)

Ipinag-uutos ng Islam na ang karapatan ng mga magulang ay nararapat na igalang at kiIalanin kahit na pagkaraang mamatay ito. Si Malik Ibn Rabee'ah (raa) ay nagsalaysay ng ganito: Habang kami ay nakaupo sa tabi ng Sugo ng Allah (sas), isang tao mula sa tribo ng Bani Salamah ang lumapit sa kanya at nagtanong: ‘O, Sugo ng Allah, ang aking mga magulang ay namatay na. Mayroon pa ba akong tungkulin na dapat panatilihin at tuparin bilang karapatan nila pagkaraang sila ay mamatay?’ Ang Sugo ng Allah ay nagsabi: "Tunay na mayroon, kailangang panatilihin mo ang pagdarasal at panalangin para sa kapakanan nila, lagi kang humingi ng kapatawaran para sa kanila, tuparin ang anumang pangako na kanilang iniwan sa iba, maging magalang, mabait, mabuti sa kanilang mga naging kaibigan at panatilihin mo ang magandang ugnayan sa iyong mga kamag-anakan bilang patunay sa pagmamahal na iniuukol mo sa iyong mga magulang.” (Dawood at Ibn Majah)
Lahat ng paglalahad at paglalarawan tungkol sa karapatan ng mga magulang ay malawak na alituntunin lamang batay sa mga pangunahin at mahahalagang karapatan nila, lalo na sa panig ng isang ina. Mayroon pang ibang mga karapatan ang mga magulang na hindi namin binanggit.


No comments:

Post a Comment

Share