Pages

Friday, April 3, 2015

TATLONG SANGGOL NA NAGSALITA HABANG SILA AY NASA DUYAN

NAPAGALAMAN MO NA BA
ANG KUWENTO AT KASAYASAYAN NG MGA TATLONG
SANGGOL NA NAGSALITA HABANG SILA AY NASA DUYAN ?

******************************************
Ang kabutihan, kabaitan, pagsunod at pangangalaga sa pangangailangan ng magulang, sa katotohanan, ay higit na bibigyan ng pagsasaalang-alang kaysa sa ibang uri ng ibadah (pagsamba). 

Ito ay batay sa isang Hadith na isinalaysay ni Abu Hurayrah na nagsabing;

Wala na maliban sa tatlong sanggol ang nagsalita habang sila ay nasa duyan:

Ang una ay si Hesus, anak ni Maria (as). Ganito ang kasaysayan ; Nang si Maria ay nagsilang kay Hesus, ang kanyang mga kababayan ay nagparatang (at nagbintang) na siya ay masamang babae. Hindi nila matanggap na siya (Maria) ay manganak sa
pagkadalaga sa dahilang wala silang alam na asawa nito. Ang angkan ni Maria ay kilala bilang mga banal at mabuting angkan. Iginagalang ang kanilang lahi. Walang ibinigay na paliwanag si Maria bagkus kanyang itinuro ang batang sanggol na si Hesus na nasa duyan. Nang itinuro ni Maria ang sanggol na si Hesus, ang mga tao ay nagsabi ‘Paano makapagsasalita ang isang batang paslit na nasa duyan?’ Ang sanggol na si Hesus ay himalang nagsalita at siyang nagpatunay at nagpaliwanag sa naging katayuan ng kanyang ina: Sa Qur’an (19: 29-32) ay nagpahayag tungkol sa sinabi ni Hesus nang siya ay nasa duyan pa lamang: At kanyang (Maria) itinuro. At sila (mga tao) ay nagsabi: Paano makapagsasalita ang isang sanggol na nasa duyan? Siya (Hesus) ay nagsalita: Katotohanan! ako ay alipin ng Allah, ipinagkaloob sa akin ang Kasulatan at ginawa Niya akong isang Propeta. At ako ay Kanyang pinagpala saan man ako naroroon at ipinag-utos sa akin ang pagdarasal, at pagkakawanggawa (Zakah) habang ako ay nabubuhay. At naging masunurin sa aking Ina...

Ang ikalawa ay isang Israelita sa panahon ni Juraij. Si Juraij ay isang hermitanyo na nag-iisang namuhay sa isang selda at inilaan ang kanyang panahon sa pagdarasal at pagsamba sa Allah. Isang araw, ang ina ni Juraij ay humingi ng tulong sa kanya habang siya ay nagdarasal. Siya (Juraij) ay nagsabi: O, Allah, ako ay nalilito kung sino ang dapat kong bigyan ng pagsasaalang-alang, ang aking pagdarasal o ang aking ina? lpinagpatuloy niya ang kanyang pagdarasal at tinalikdan niya ang pagsusumamo ng
kanyang ina. Nang makita niya ito, ang kanyang ina ay umalis. Kinaumagahan, ganito rin ang pagsusumamo ng kanyang ina at patuloy pa ring nagdarasal si Juraij at hindi binigyang pansin ang ina. Nang sumunod pang araw, tinawag siyang muli ng kaniyang ina at humihingi ng tulong katulad ng naunang dalawang araw. Hindi rin binigyang pansin ito ni Juraij. Nang makita nito, ang ina ay nagsabi: O, Allah, itulot ninyo na bago mamatay si Juraij, naway makatagpo siya ng babaing nagbibili ng aliw. Ang mga Israelitas ay humahanga sa pamamaraan ng pagsamba, pagdarasal at pag-iisa ni Juraij. Noong panahong yaon, may isang maganda at kaakit-akit na babaing nagbibili ng aliw ang nagbigay ng suhestiyon sa mga Israelitas. Kung nais ninyo, aakitin ko si Juraij at hahayaan ko siyang umibig sa akin at gumawa ng pangangalunya. Ang babaing ito ay umalis na may layuning isagawa ang balakin. Ginawa niya ang lahat upang mahulog sa tukso si Juraij ngunit siya ay nabigo. Gayunpaman, nilapitan niya ang isang pastol na malapit sa tirahan ni Juraij at ipinagkaloob ang kanyang sarili. Siya ay nabuntis. Matapos ng panganganak, inakusahan niya si Juraij bilang ama ng kanyang anak. Ang mga Israelitas ay sumugod sa tirahan ni Juraij at ito ay pinagtabuyan, sinira ang bahay at siya ay sinaktan. Si Juraij ay nagtanong kung bakit siya nilapastangan ng mga ito. Sila (mga Israelitas) ay nagsabi: Ikaw ay nangalunya sa isang babaing nagbibili ng aliw at ito ay nagkaanak mula sa iyo samantalang ikaw ay nagkukunwaring isang makadiyos na tao. Si Juraij ay nagsabi: Maaari ba ninyong dalhin sa akin ang sanggol at hayaan ninyo akong mag-alay ng dasal upang patunayan ko sa inyo na hindi ako ang ama ng batang yan. Pinahintulutan ng mga Israelitas na magdasal si Juraij at dinala ang sanggol. Nang matapos ang pagdarasal niya, siya ay lumapit sa sanggol at tinanong ito: Sino ang iyong tunay na ama? Ang
sanggol na nasa duyan ay nagsalita; Ang aking ama ay yaong pastol. Nang marinig ang pagpapahayag ng sanggol, niyakap ng mga Israelitas si Juraij at humingi ng kapatawaran at nagsabing: Dapat ba naming ipagpatayo kang muli ng tirahan mo na yari sa ginto? Siya ay sumagot; Hindi, ngunit ipagpatayo ninyo ako ng yari sa lupa katulad noong dati. At sila ay gumawa.

Ang ikatlo ay isang sanggol na sumususo sa ina nang ang isang kabalyero na nakasuot ng maringal na damit at nakasakay sa magandang kabayo. Ang nagpapasusong ina ay nagsabi: O, Allah, gawin mo pong katulad ng kabalyerong ito ang aking anak na lalaki. Nang marinig ng sanggol ito, siya ay huminto sa pagsuso at nagsabi habang nakatingin ito sa sundalo. O, Allah, huwag Mo po akong gawin katulad ng kabalyero ito. Pagkaraan nito, siya ay muling sumuso sa ina. Pagkaraan nito nadaanan ng ina at sanggol ang isang alipin na sinasaktan ng kanyang amo at pinagbibintangang nangalunya at nagnakaw. Ang alipin ay nagsabi: 'O, Allah, sapat na po kayo sa akin at Kayo ang aking Tagapagtanggol.’ Ang ina ay nagsabi: O, Allah, huwag ninyong itulot na matulad ang anak ko sa aliping ito. Nang marinig ito ng sanggol, siya ay huminto sa pagsuso at nagsabi: O, Allah, gawin mo po akong
katulad ng babaing ito. Nang marinig ng ina, siya ay nagsabi, O, anak, ano bang nangyari sa iyo? Isang magandang bihis na kabalyero na nakasakay sa magandang kabayo, makapangyarihan at hinangad kong maging katulad ka niya, ikaw ay tumanggi. Nang nadaanan natin ang isang alipin na sinasaktan ng kanyang amo at dinidisiplina ng dahil sa pangangalunya at pagnanakaw, at hiniling ko sa Allah na huwag kang matulad sa aliping yaon ngunit tinanggihan mo rin ang aking dalangin. Ang sanggol ay nagsalita: O, aking ina, yaong kabalyero ay isang mabagsik at masama. Samakatuwid, dinalangin ko sa Allah na huwag akong gawing katulad niya. At yaon namang alipin na pinagbibintangan, siya ay hindi tunay na nangalunya at nagnakaw. Kaya, nagsumamo ako sa Allah na gawin akong inosente at malinis na katulad niya. (Al-Bukhari at Muslim.)


No comments:

Post a Comment

Share