Ang Kababaihan sa Panahon Bago Dumating ang Lipunan ng Islam at mga ibang Kabihasnan.
Bago dumating ang mensahe ni Propeta Muhammad (r), ang mga babae ay nagdanas ng lubhang di-makatarungan at di-pantay na pakikitungo at sila ay hayagang inalispusta at iba't-ibang paghamak. Ang mga babae ay itinuring bilang isang bagay na pag-aari na puwedeng itapon o ipamigay sa kapritso ng kanyang lalaking katiwala o tagapag-alaga. Ang mga babae ay walang karapatang magmana mula sa kanilang magulang o asawa. Ang mga Arabo ay naniniwala na ang pamana ay iginagawad lamang sa mga may higit na kakayahan, gaya ng mga marunong sumakay ng kabayo, makipaglaban, nagwagi ng laban sa digmaan at tumulong sa pangangalaga ng kanilang tribo o angkan at nasasakupan. Sa dahilang wala sa kanya (babae) ang mga ganitong pangkaraniwang kakayahan, siya mismo ay maaaring manahin gaya ng isang materyal na bagay pagkaraang mamatay ang kanyang asawang maraming utang. Kung ang babae na may asawang namatay na may mga anak na lalaki sa mga naunang pag-aasawa, ang pinakamatandang anak na lalaki ay maaaring kuhanin (ang nabalo ng kanyang ama) at ibilang na isa niyang pag-aari sa kanyang pamamahay, katulad ng isang anak na nagmana ng kayamanan ng kanyang namatay na ama. Siya (babae) ay hindi maaaring umalis ng bahay ng kanyang anak na lalaki sa unang asawa (stepson) hangga’t hindi siya magbabayad ng pantubos.
Bilang pangkalahatang pag-uugali, ang mga lalaki ay may kalayaang mag-asawa kahit ilan na walang hangganan. Walang makatarungang batas na maaaring pumigil sa lalaki mula sa pakikitungung hindi makatarungan o di-pantay sa kanyang mga asawang babae. Ang kababaihan ay walang karapatang pumili o kahit na bigyan lamang ng pahintulot sa pagpili ng kanyang magiging asawa; sila ay para lamang ipinamigay. Higit sa lahat, sila ay hindi pinapayagang mag-asawa ulit kung sila ay diniborsyo.
Bago dumating ang Islam sa pamayanan ng Arabia, ang mga Arabo ay di nasisiyahan sa pagkakaroon ng anak na babae sa kanyang pamilya. Ang mga iba ay itinuturing ito bilang masamang pangitain. Ang Dakilang Allah ay inilarawan sa Qur’an ang pagtanggap ng isang ama tungkol sa pagsilang ng anak na babae:
“At kung ang balita (ng pagsilang) ng isang babae ay ipinarating sa sinuman sa kanila, ang kanyang mukha ay nagiging madilim at ang kanyang kalooban ay napupuspos ng pagkapoot! Ikinukubli niya ang kanyang sarili sa mga tao dahilan sa kasamaan ng ibinabalita sa kanya. (Na nag-iisip) na kanya bang pananatilihin ang batang babae na magbibigay ng kahihiyan sa kanya, o kanyang ililibing sa lupa? Katotohanang karumal-dumal ang kanilang pasya.
” (Qur’an 16:58-59)
Ang mga babae ay hindi man lang nabigyan ng mga likas na karapatan katulad ng pagkain ng ibang uri ng makakain. Ang ibang uri ng pagkain ay ipinahihintulot lamang sa mga lalaki. Ang Dakilang Allah ay nagsabi:
“At sila ay nagsasabi: ‘Kung ano ang nasa sinapupunan ng gayong bakahan (kahit na gatas o bilig) ay para sa mga kalalakihan lamang at ipinagbabawal sa aming kababaihan, datapwa’t kung ito ay patay ng ipinanganak, kung gayon ang lahat ay may kabahagi rito...
” (Qur’an 6:139)
Karagdagan pa rito, ang pagkamuhi ng mga Arabo sa mga batang babae ay humahantong sa kapasiyahang ilibing sila ng buhay. Ang Dakilang Allah ay nagsabi tungkol sa Araw ng Pagbabayad:
“At kapag ang sanggol na babae na inilibing ng buhay ay tatanungin, sa anong kasalanan siya ay pinatay?”
(Qur’an 81:8-9)
Ang mga ibang ama naman ay inililibing ang kanilang mga anak na babae kung ito ay may ketong o pilay o isinilang na may kapansanan. Ang Allah like emoticon ay nagsabi:
“At huwag ninyong patayin ang inyong mga anak dahil sa pangamba ng kahirapan. Kami ang nagkakaloob sa kanila at sa inyo ng ikabubuhay. Katotohanan, ang pagpatay sa kanila ay isang malaking kasalanan.
” (Qur’an 17:31)
Ang tanging bagay lamang na maaaring ipagmalaki ng isang babae sa panahon yaon, bago dumating ang Islamikong kapanahunan, ay ang pangangalaga sa kanya at ng kanyang pamilya at tribo, at ang pagtatanggol sa kanya laban sa mga humahamak o nagtatangkang dungisan ang kanyang pagkababae. Subali’t ang ganitong pangyayari ay higit na ipinagkakaloob ang dangal at puri ng lalaki at sa karangalan ng kanyang tribo, kaysa sa pagmamalasakit sa mga babae.
Ang mga pangyayari tungkol sa kababaihan sa lipunang Arabia ay siyang umakay kay Umar ibn al-Khattab (t), ang pangalawang Kalipa ng mga Muslim, upang mag-ulat ng:
“Sumpa sa Allah, hindi natin napag-isipan na ang babae ay may kahalagahan kundi lamang ipinahayag ng Allah ang tungkol sa kanila sa
Qur’an…” (Muslim)
No comments:
Post a Comment