Ang khul'a ay salitang arabik na ang kahulugan ay ang paghiling ng babaeng nasusuklam sa kanyang asawa ng diborsiyo sa pamamagitan ng kanyang pagbigay ng kabayaran.
Ang Alituntunin ng Khul'a:
1. Ipinahihintulot ( مباح ): magiging ipinahihintulot ang khul'a kapag ang babae ay nasusuklam at hindi na kayang manatili pa sa piling ng kanyang asawa sapagkat ang khul'a ay isang solusyon o pamamaraan upang makapagdiborsiyo ang babae. Ngunit, makabubuting hindi kukuha ang lalaki sa babae ng halagang higit pa sa ibinigay niyang dote. Ayon sa anak ni 'Abbaas (R'A) katotohanang dumating ang isang babae na asawa ni Thaabit na anak ni Qais kay Propeta Muhammad (S'AWS) at siya'y nagsabi: O Sugo ng Allah! Wala akong pagpupuna kay Thaabit na anak ni Qais sa kanyang ugali at relihiyon, ngunit ako'y nasusuklam na (manatili pa sa piling niya dahil ako'y) makagawa ng kataksilang labag sa Islam.
At sinabi ng Sugo ng Allah (S'AWS): Maibabalik mo ba sa kanya ang kanyang Hardin? Siya'y nagsabi: Oo.
Sinabi ng Sugo ng Allah (S'AWS): Kunin mo (Thaabit) ang Hardin at diborsiyuhin mo na Siya. (Tingnan ang Saheeh Al-Bukhaari, Hadeeth 5273).
@ May nakapagsalaysay na ang ibinigay ni Thaabit na dote sa kanyang asawa ay isang Hardin na Palma "PALM" kung tawagin sa arabik ay: "HADEEQAH NAKHL". Tingnan ang Subulos Salaam Sharh Buloogh Al-Maraam, Hadeeth 1/1011, Ikatlong Bahagi, Pahina 171.
2. Kasuklam-suklam ( مكروه ): magiging kasuklamsuklam ang khul'a kapag ang babae ay humiling ng khul'a (o diborsiyo) na walang sapat na kadahilanan at maaari din namang manatili siya sa piling ng kanyang asawa. Ayon kay Thawbaan (R'A), katotohanang sinabi ni Propeta Muhammad (S'AWS): ((Ang sinumang babaeng humingi ng diborsiyo sa kanyang asawa na walang sapat na kadahilanan ay bawal na sa kanya ang Paraiso. (Iniulat nila Imaam Ahmad).
3. Ipinagbabawal ( محرّم ): magiging bawal ang khul'a kapag ang babae ay sadyang pinaparusahan o inaapi ng kanyang asawa nang sa gayon ay humiling ito ng khul'a.
Sabi ng Allah (SWT) sa Banal na Qur-ân:
O kayong mga nananampalataya! Hindi ipinahihintulot sa inyo na inyong manahin ang mga babae nang sapilitan, at huwag ninyo silang pakitunguhan ng may kagaspangan upang inyong mabawi ang bahagi (ng dote) na inyong ibinigay sa kanila. Qur-ân 4:19.
Mga Resulta ng Khul'a:
1. Kapag naganap ang khul'a ay magiging responsibilidad na ng babae ang kanyang sarili at wala ng karapatan upang sustentuhan siya ng lalaki.
2. Walang karapatan ang bawat isa sa kanila upang magmanahan sila sa isa't isa kapag namatay ang sinuman sa kanila.
3. Tungkulin parin ng babae na magsagawa ng eddah at hindi maaaring magpakasal sa ibang lalaki habang hindi pa ito natatapos.
4. Bawal na sa lalaki na balikan niya ang babae kahit na nasa panahon pa ito ng eddah maliban lang kung sumang-ayon ang babae na makipagbalikan sa kanya, ngunit magkakaroon sila ng panibagong kasal at panibagong dote sa babae.
No comments:
Post a Comment