Isang araw ay may isang matandang babae na dumating sa Rasulullah
s.a.w. at sinabi niya rito, “Oh Sugo ng Allah, hilingin mo sa Allah na
papasukin Niya ako sa Kanyang paraiso.” Ang sagot ng Rasulullah s.a.w. ay, “Oh
Ummu Fulan (Fulan ang ginagamit sa isang di partikular na pangalan ng tao),
katotohanang hindi makakapasok paraiso ang matanda.” Tumalikod ang matandang
babae na umiiyak. “Sabihin ninyo sa kanya na siya ay hindi papasok ng paraiso
na matanda dahil ang Allah ay nagwika: (Nilikha naming sila ng espesyal na
paglikha. At ginawa naming silang mga birhen. Kaibig-ibig at magkakasing-edad.)
[Surah Al-Waqiah:35-37]”
Ibig-sabihin ay makakapasok ang matandang ito sa paraiso. Allahu
akbar! At lahat ng makakapasok ng paraiso ay magbabalik sa edad na 33 ayon na
rin sa nabanggit sa hadith. Hilingin natin sa Allah na papasukin niya tayo sa
Kanyang paraiso. Amin.
Hindi ipinagbabawal ng Islam ang pagbibiro paminsan-minsan subalit
alalahanin natin ang ilang mga panuntunang ito upang hindi mahulog sa pagiging
haram at hindi tayo magkasala.
1. Pagiging tapat sa pagbibiro ng walang halong kasinungalingan.
Itinuturing na malaking kasalanan ang pagsisinungaling kahit biro
lamang dahil ang Rasulullah s.a.w. ay nagsabi:
(ويل للذي يحدث بالحديث
ليضحك به القوم فيكذب ويل له ويل له) رواه أبو داود والترمذي وحسنه والنسائي
والبيهقي
“Kapanglawan para sa nagkukuwento upang mapatawa ang mga tao na
siya ay nagsisinungaling, kapanglawan sa kanya at kapanglawan sa kanya.”
(Kapanglawan: hapis, kalungkutan, pagdurusa, hinagpis, kasamaang-palad)
Ang Propeta s.a.w. ay hindi nagbibiro maliban lamang at totoo. Sa
hadith na nabanggit ay tatlong beses inulit ng Propeta s.a.w. ang katagang
Waylun lahu (kapanglawan) na naglilinaw sa atin ng tindi ng parusa nito, wal
iyadhu billah.
2. Maging katamtaman lamang sa pagpapatawa at pagtawa.
Huwag puro na lamang biro at dapat ay maiksing sandali lamang
dahil ang labis na pagtawa ay nakamamatay ng puso, nakapagpapahina ng
pananamplataya sa Allah at nagpapalimot sa araw ng paghuhukom. Sabi ng
Rasulullah s.a.w.:
(لا تكثروا الضحك ؛
فإن كثرة الضحك تميت القلب) حديث صحيح رواه الترمذي
“Huwag dalasan ang pagtawa, dahil ang madalas na pagtawa ay
nakamamatay ng puso.”
3. Pag-iwas sa pangmamaliit o panlilibak.
Iwasan ang pagbitaw ng mga biro na may pamimintas, tsismis,
pagmamaliit sa iba at panlilibak.
4. Magandang intensyon.
Katulad na lamang ay upang pasiglahin ang mga kasamahan, o
maaaring magpalakas ng pagkakaibigan, o paglimot sa problema at kalungkutan.
5. Pagpili ng tamang oras, lugar at tao na iyong bibiruin.
Hindi yaong palagi na lamang biro kahit na sa mga seryosong
usapan. Hindi yaong puro na lamang biruan kahit nagkakapikunan na. Huwag sa
oras ng pagsamba lalo na sa salah, pagbabasa ng Qur-an, pag-alala sa kamatayan
o sa pakikipaglaban. Huwag magbiro sa bagong gising. May kasabihan nga sa
Tagalog na: “Magbiro ka na sa lasing, huwag lang sa bagong gising.”
At pumili ng taong bibiruin. Kailangan ay kilalanin mo muna ang
iyong bibiruin at mag-ingat sa mga madaling mapikon o kaya ay yaong hindi mo
ka-close o hindi mo kalahi, dahil maaaring magdulot ito ng away. At sa mga
yaong nakakapagpababa sa respeto ng iba.
6. Bawal magbiro patungkol sa kasal, talaq (paghihiwalay ng
mag-asawa), at pagbabalikan.
Ipinagbawal ito sa atin ng Rasulullah s.a.w. Kung halimbawang
biniro mo ang iyong misis at sinabi mo sa kanyang, “Hiwalay na tayo.” ay
nangyari ang talaq (paghihiwalay) sa sitwasyong ito. O kung ikakasal ka ng wali
ng babae at tinanggap mo ito ng pabiro ay naganap ang kasalan. Ganundin sa
ruj’ah o pagbabalikan ng mag-asawa. Sabi ng Rasulullah s.a.w.:
(ثلاث جدهن جد
وهزلهن جد الطلاق والنكاح والرجعة) حسنه الترمذي
“Tatlong bagay na ang pagiging seryoso rito ay seryoso, at ang
pagbibiro rito ay seryoso: paghihiwalay, kasalan, at pagbabalikan.”
7. Huwag bibiruin ang kasama sa pamamagitan ng armas.
O ng kutsilyo, batuta, baril at iba pang nakakasakit na bagay.
Huwag ring kunwari ay sasagasaan ng minamanehong sasakyan pagkatapos ay bigla
kang pepreno , o kunwari'y susuntukin. Kahit pa ito ay biro ay itinuturing ito
ng Islam na malaking kasalanan dahil maaari siyang itulak ng masama o ng
Shaytan at matuluyan ang binibiro. Naudhu billahi min dhalik.
8. Huwag gawing biro ang alinmang bagay na may kinalaman sa
relihiyong Islam.
Iginagalang ng Muslim ang kanyang relihiyon. Anumang bagay rito
katulad ng paraiso, impiyerno, Quran, Hadith, mga sahabah, mga anghel at lahat
ng tanda ng Islam ay hindi niya isinasama sa kanyang biruan. Alam naman natin
na nakalalabas ng relihiyon ang sinumang gawin niyang biro ang alinmang bahagi
ng relihiyong Islam.
Nawa’y makapagbigay pakinabang sa atin ang aralin na ito. Hingin
natin sa Allah na liwanagan Niya sa atin an gating mga puso, salita at gawa.
Amin.
No comments:
Post a Comment