Pages

Saturday, December 12, 2015

• ANG BABALA •


(Maikling kwento)

 May isang mag-inang isda ang nakatira sa isang munting ilog.

Sa araw-araw ay umaalis ang inang isda upang maghanap ng kanilang makakain, at sa bawat pag-alis nito ay hindi niya makalimutan ang isang babala sa kanyang maliit na anak.
"Huwag kang lumapit sa mga nakikita mong nakakabighaning bagay sapagka't ito ay magpapahamak sa iyo."

"Opo inay."
Tugon ng munting isda.

Nang makaalis ang kanyang ina ay hindi niya mapigilang lumangoy palabas at nagmamasid-masid sa paligid.

Sa dako roon ay meron siyang napansin, isang bagay na tila nakabitin mula sa itaas, bahagya siyang lumangoy palapit doon, pagkaraay napahinto, naalala niya ang bilin ng kanyang ina na
'huwag siyang lumapit sa mga nakakabighaning bagay'
kung kaya siya ay bumalik sa kanilang tirahan.

Subali't ang bagay na iyon ay nananatiling palaisipan sa kanya.

Sa susunod na araw, muling umalis ang kanyang ina at muling nag-iwan ng babala sa kanya;
"Huwag kang lumapit sa mga nakakabighaning bagay na nakikita mo, sapagka't ito ay magpapahamak sa iyo."

"Opo inay."
Tugon nito sa kanyang ina.

Subali't, nang makaalis ang kanyang ina, muling lumangoy ang maliit na isda papunta roon, muli niyang binalikan ang isang bagay na nais niyang matuklasan.

Nang makalapit ng bahagya, napansin niyang ito ay tila isang pagkain;
'Pagkain nga'
sabi ng isip niya nang lubos itong malapitan.

Nabighani siya dito, nais niyang kainin ito, sa tingin kasi niya ay kakaiba ang pagkain na ito sa araw-araw nilang kinakain.

Halus naamoy na niya ang sarap nito nguni't siya ay natigilan nang maalala ang bilin ng kanyang Ina;
'Huwag siyang lumapit sa mga nakakabighaning bagay, dahil ito ay magpapahamak sa kanya.'
kung kaya pinilit niyang labanan ang udyok ng kanyang pagnanasa, siya ay lumangoy pauwi.

'Bakit kaya ako pinagbawalan ni Ina?
Hindi naman iyon masama, at iyon ay isang pagkain.'

Mga katanungan sa kanyang isipan.

Sa sumunod na araw ay aalis na naman ang kanyang Ina, at katulad ng dati, inulit nito sa kanya ang mga babala;
"Anak huwag mong kalimutan ang mga sinabi ko, huwag kang lumapit sa mga nakakabighaning bagay, dahil ito ay magpapahamak sa iyo, at baka hindi na tayo magkikita."

"Opo inay."
Wika ng maliit na isda.

Ngunit ang paulit-ulit na mga babalang iyon ay kapus upang magkaroon siya ng takot na huwag bumalik roon.

At dahil pangatlong beses na siyang nakapunta sa gawing iyon, ilang iglap lang ay nasa harapan na niya ang isang masarap na pagkain.
Pinagmasdan niya itong mabuti, sinuri at pinakiramdaman ang paligid, 'walang namang masama' sabi ng isip niya.

Ang sinabi ng kanyang ina, na ito ay magpapahamak sa kanya' ay hindi niya napapansin roon, wala siyang nakikitang masama, ito ay tanging pagkain lamang; isang masarap na pagkain.

Namalayan nalang niya ang kanyang sarili na nagsimulang kagatin ang nakabiting pagkain.
'Ang sarap' naiusal niya sa unang kagat, lalo na sa pangalawang tikim sa pangatlo, hanggang sa tila may biglang humatak sa pagkaing nasa bibig niya, kasunod nito ang matinding sakit, at bigla nalang siyang napaahon sa tubig, hanggang sa hawak na siya ng isang kamay, at iyon na ang huli niyang naalala.

"Inihaw ka ngayon."
Masayang wika ng isang mangingisda.

Samantala;
Labis ang pagkabahala ng inahing isda nang makauwi at hindi na nito dinatnan ang kanyang anak, linibot niya ang paligid subali't wala na, wala na ang kanyang anak;
'Sinuway niya ang mga bilin ko sa kanya.'
Ang tanging naiusal ng luhaang ina.

-----wakas-----

Sadyang ganito ang isang nagmamahal, at ang minahal na walang paniniwala sa mga babala.

Bilang tao at higit na may mainam na pag-iisip kaysa sa isda ay higit din tayong nagiging suwail, dahil sa lawak ng ating kaalaman, natutunan nating ibaliwala ang mga babala.

Masyado tayong naging maalam at maging ang sumunod ay atin nang nakalimutan.
Nawalan tayo ng tiwala sa nag-mamay-ari ng babala, at minsan tila mas nalalaman natin ang mga bagay na sa katotohanang wala tayong alam.

وَعَسَى أَنْ تَكْرَهُوا شَيْئًا وَهُوَ خَيْرٌ لَكُمْ وَعَسَى أَنْ تُحِبُّوا شَيْئًا وَهُوَ شَرٌّ لَكُمْ وَاللَّهُ يَعْلَمُ وَأَنْتُمْ لَا تَعْلَمُونَ

". . .maaring ang isang bagay na hindi ninyo naiibigan, ito ay mainam sa inyo, at maaring ang isang bagay na inyong nagugustuhan, ito ay masama (hindi nakabubuti) sa inyo. Datapuwa't ang ALLAH ang Nakakaalam at ito ay hindi ninyo nalalaman."
[Q. 2:216]

Isang bagay ang nakalimutan ng mga may kaalaman na maaring magpapahamak sa kanya;

"Ang hindi pagsunod."

Kung ang malawak na kaalaman ay hindi pa rin sapat upang matutong sumunod, ay wala parin itong halaga.



1 comment:

  1. heloo i random indana hacker i hack you acc and i so mad

    ReplyDelete

Share