Pages

Friday, December 11, 2015

• HUWAG BALIWALAIN ANG MGA MAHALAGANG BAGAY •

May isang ama ang madalas gabi nang makauwi dahil sa busy ng trabaho.
Isang hindi nakasanayan ang kanyang dinatnan ng marating ang kanilang pamamahay, ang kanyang nag-iisang anak ay nakaupo sa kanilang hagdanan, halatang hinihintay siya nito.
"O, bakit nandito ka pa sa hagdanan?" Anito sa batang nababakas ang pag-aliwalas ng mukha. "Halika na, pasok tayo sa loob."
Nang makapasok sa loob ay pabagsak siyang umupo sa silyang naroroon, dulot ng pagod.
"Pagod po ba kayo itay?"
May himig ng pag-alalang tanong ng bata, hawak parin ang kamay ng pagod na ama.
"Oo anak, nag-over time kasi si tatay."
Tugon niyang nakasandal ang ulo sa sandalan ng upuan.
"Ah ganun po ba tay."
Mala inosenteng sabi ng bata.
"Tay may itatanong lang sana ako sa inyo."
"Ano yon anak?"
"Magkano po ba ang suweldo ninyo sa isang oras na overtime?"
Bahagya niyang tinapunan ng tingin ang mukha ng anak.
"Bakit mo naitanong yan anak?"
"Wala lang po, gusto ko lang pong malaman."
Anang batang tila naglalambing, pinisilpisil nito ang kamay ng ama.
"Isang daan."
Tugon niya sa hindi mahalagang tanong.
Sandaling katahimikan.
"Tay. . .maari po bang humingi sa iyo ng 50 peso?"
Anang bata sa mahinang tinig.
"Ah, kaya mo pala naitanong, hihingi ka lang pala, natuto ka nang magpasakalye."
May laman ang kanyang pagkasabi niyon.
"Masmabuti pang matulog kana, pasok na sa kuwarto mo."
Walang kibo ang pobreng bata, dahan-dahang tumalikod at pumasok sa silid.
Maya-maya pa'y napaisip siya, baka nasaktan niya ang damdamin ng kanyang anak.
Pinilit niyang tumayo at tinungo ang silid ng anak, kinatok.
"Anak. Tulog ka na ba?"
May himig ng paglalambing.
"Hindi pa po itay."
Sagot ng bata.
Marahan niyang itinulak ang pinto, pumasok at umupo sa gilid ng higaan ng bata.
"Anak, pagpasensiyahan mo na si tatay ha, medyo pagud lang."
Mula sa pagkatagilid ay tumihaya ang bata, maaliwalas ang mukha.
"Ok lang yon tay."
Bahagyang ngumiti.
Ginulo niya ang ulo nito.
"Ano nga pala ang bibilhin mo sa 50 na binanggit mo kanina anak?"
"Gagamitin ko lang sana tay, mahalagang bagay po."
Tugon nitong tila nahihiya parin.
Dinukot ang walet, kumuha ng pera at iniabot sa anak.
"O hayan, importante pala ang bagay na yan."
Napunit ang ngiti sa munting labi ng bata.
"Maraming salamat po tay, ngayon ay kompleto na po." At may dinukot sa ilalim ng kanyang unan.
Pera, 50 pesos.
"Oh, may pera ka naman pala, anong gagawin mo niyan?"
Halatang nagtataka.
Mula sa pagkahiga ay bumangon ang bata.
"Kasi po tay, sinabi ninyo kanina na 100 po ang suweldo niyo sa isang oras, at 50 lang po ang naipon kong pera kaya ako humingi ako sa inyo ng 50 upang makumpleto."
Masayang paliwanag ng bata.
"Tay. . ., maari ko bang bayaran ang isang oras mo? Gusto ko lang kasing makasama ka, simula kasi ng mawala si nanay, hindi na tayo nagkasamang kumain."
Hindi niya namalayan ang ilang butil ng luhang pumatak nang marinig ang salaysay ng anak.
"Patawarin mo ako anak."
Ang tangi niyang nasambit, kasabay ang tigib ng pagmamahal na yakap sa anak.
------------------------------------------------
Minsan, may mga bagay tayong isinantabi, binaliwala, at hindi binigyang halaga.
Ang hindi natin naisip na isa pala iyong Kayamanan para sa kanila, isang mahalagang bagay.
Mahalagang bagay na tanging ikaw lang ang makapagbigay, kailangang sa iyo magmula.
Huwag mong hayaang bibilhin pa nila ito mula sa iyo.


No comments:

Post a Comment

Share