___Isang lalaki ang lumapit sa isang Auliya' at sinabing may mga taong sumasamba sa mga kahoy sa kabilang dako ng Nayon.
Nang marinig iyon, agad kumuha ng palakol ang Auliya', pupuntahan niya ang mga kahoy upang putulin, malaking kasalanan ang Shirk (pagtatambal sa ALLAH).
Gagawin niya ito para sa kasiyahan ng ALLAH.
Habang nasa daan, nakasalubong niya ang hindi kakilalang tao, siya'y tinanong;
"Kanayon, saan ang punta mo?"
"Sa kabilang dako nitong nayon, may mahalaga akong gagawin."
Sagot niyang patuloy sa paglalakad.
"Teka, sandali, bakit may dala kang palakol?"
"Puputulin ko ang mga kahoy na sinasamba ng mga tao."
"Ganun ba, hindi kita papayagan!"
Napahinto siya.
"Hindi mo ako maaring pigilan."
"Kailangang lumaban ka muna sa akin bago mo magawa ang iyong binabalak."
Sa pagkasabi niyon ay nagsimula silang maglaban, ngunit sadyang malakas ang Auliya' hindi nanaig ang taong nais pumigil sa gawaing para sa ALLAH.
Pinagpuputol ng Auliya' ang lahat ng kahoy na sinasamba ng mga tao, ang lahat ay para sa kasiyahan ng ALLAH.
Lumipas ang ilang buwan, muling naibalita na bumalik ang mga tao sa kanilang ginagawa.
Hindi nag-aksaya ng oras ang Auliya' pupuntahan niyang muli ang mga kahoy upang puputulin.
Sa kanyang daan, ay naroon na naman ang taong humahadlang sa kanya, sa panahong ito, ang tao ay nakipag-usap;
"Maari bang mag-usap tayo sandali, hayaan mo, hindi na ako makipag-away sa iyo."
Huminto ang Auliya' at nakinig.
"Nakikita kong malakas ang iyong hangarin upang gawin ang ipinag-utos ng Panginoon, wala kang nais gawin kundi ang kabutihan, kaya hayaan mong tutulungan kita."
Gumuhit ang pagtataka sa mukha ng Auliya'.
"Sa anong paraan?"
"Kung ang pagputol sa mga kahoy ay mabuting gawa, bakit hindi mo tatanggapin itong aking alok, ito ay higit na mabuti kaysa sa pagputol sa mga kahoy."
Matamang nakikinig lamang ang Auliya'.
"Sa bawat umaga ay bibigyan kita ng tatlong pirasong ginto, at sa pamamagitan nito, maari mong tulungan ang mga mahihirap, at maari mo naring bayaran ang mga tao upang tumigil sa kanilang ginagawa, at hindi ka na mahihirapan, magaging mayaman ka na. Ano sa palagay mo, tama ba?"
Pagpapatuloy ng tao.
Sa palagay ng Auliya' ay may punto ang kausap, wala ring silbi ang pagputol sa mga kahoy dahil tutubo parin ito, kung kaya tinanggap niya ang alok.
Sa unang umaga, tulad ng napag-usapan ay may tatlong pirasong ginto sa ilalim ng kanyang unan.
Nagawa niya ang maraming kabutihan sa pamamagitan ng gintong iyon.
Sa pangalawang umaga ay ganun din.
Sa pangatlo.
Nguni't wala na siyang natagpuan sa pang-apat na araw, kung kaya muli niyang kinuha ang palakol, puputulin niya ang mga kahoy, hindi tumupad sa usapan ang kanyang kausap.
Sa kanyang daan, ay muling nadatnan ang tao, at pinigilan siya nito.
Muli silang naglaban, ngunit sa pagkakataong ito ay sadyang malakas ang kanyang kalaban, tinalo siya nito.
"Hindi ka ba nagtataka kung bakit hindi mo na ako magawang talunin?"
"Bakit, at sino ka ba?"
Tanong ng Auliya'.
"Ako si Iblis, kung malakas ka noon dahil sa Lakas ng hangarin mong para sa ALLAH, ngayon ay hindi na, alam mo kung bakit? Dahil ang iyong hangarin ay para sa Ginto at hindi para sa kasiyahan ng ALLAH."
. . .wakas
° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° ° °
Mindanao!
Subukang isipin ang iyong kalagayan bilang Replika sa kwentong ito;
Subukang kilalanin ang Auliya' sa kwento,
Ang Iblis,
Ang mga labanan,
Ang mga panlilinlang,
Ang mga pangyayaari na maaring may pagkahalintulad sa kwento,
Tulungan mo ang sariling ayusin ang hindi tama,
Hindi ka babaguhin ng ALLAH hanggat hindi mo babaguhin ang iyong sarili.
Tandaan, ang pangako ng Iblis;
"Ako ay nanunumpa sa Inyong Kapangyarihan, silang lahat ay aking hahatakin sa pagkaligaw, maliban lamang sa inyong mga piling alipin sa kanilang lipon."
[Q. 38:82-83]
"Sapagka't ako ay Inyong iniligaw, katotohanang ako ay haharang sa kanila sa Matuwid na Landas.
At ako ay tutungo sa kanilang harapan at sa kanilang likuran, sa kanilang kanang bahagi at sa kanilang kaliwang bahagi, at hindi Ninyo matatagpuan na ang karamihan sa kanila ay nagbibigay ng pasasalamat."
[Q. 7:16-17]
Ang lahat ng ito ay nakikita natin sa kasalukuyan, kung paano iniligaw ng Iblis ang karamihan sa mga tao.
"Huwag nating kalimutan na ang Iblis (Satanas) ay isinumpa subali't hindi ito isang tanga."
Hilingin natin sa ALLAH na bigyan Niya tayo ng lakas upang labanan ang mga gintong panlilinlang ni Iblis, sa pagkat walang Lakas at Kapangyarihan maliban sa Taglay lamang ng ALLAH, at Siya lang ang nagmamay-ari ng Tagumpay.
" . .At walang tagumpay malibang nagmula sa ALLAH." [Q. 3:126]
No comments:
Post a Comment