AKING MGA SITES
Saturday, December 12, 2015
• ANG GAHAMAN AT SAKIM SA KAYAMANAN •
↘ Sa kapanahunan ng Propeta Iesa (as).
Isang lalaki ang lumapit sa Propeta Iesa (as) at nagsabi;
"O Propeta ng ALLAH! Ako ay nagnanais na sa iyo ay sasama, saan kaman magpunta. Harinawa'y iyong pahintulutan."
"Kung nais mo, hindi kita hahadlangan."
Wika ng Propeta Iesa (as).
Sa pagkakataong iyon sila ay nasa tabi ng isang ilog, sinabi ng Propeta Iesa (as);
"Bago tayo aalis, tayo ay kumain muna."
Ilang sandali pa, nang matapos ang Propeta, siya ay tumayo, nagtungo sa tubig at uminom.
Nang siya'y makabalik, kanyang napansin na ang natirang isang pirasong tinapay ay nawala kung kaya siya ay nagtanong;
"Sino ang kumuha sa natirang tinapay?"
"Hindi ko alam."
Agarang sagot ng lalaking kasama.
Walang maraming salita, sila ay nagsimulang maglakad.
Malayo na ang kanilang nalakbay kung kaya kapwa sila'y nakaramdam ng gutom.
Sa di-kalayuan, may mag-inang karnero silang nakikita.
Namangha ang lalaki nang makitang tinawag ng Propeta Iesa (as) ang anak ng karnero, nang makalapit, ay kinatay ito, kanilang niluto, at kinain.
Nang maging mga buto nalang ang kinatay nilang karnero, ang Propeta Iesa (as) ay nanalangin sa ALLAH.
At lalong namangha ang lalaki nang makitang ang mga buto ay nagkaroon ng buhay muli, at muling bumalik doon sa kanyang inang karnero.
Ang Propeta Iesa (as) ay nagsabi;
"Sa pangalan ng ALLAH na nagbigay sa atin ng Himalang ating nakikita, maari bang sabihin mo sa akin kung sino ang kumuha sa tinapay?"
"Hindi ko alam?"
Sagot ng lalaki
Walang maraming salita, sila ay nagpatuloy sa paglalakad, hanggang sa sila ay nakarating sa isang lawa.
Hinawakan ng Propeta ang kamay ng lalaki, at sila ay naglakad sa ibabaw ng tubig.
Nang kanilang marating ang gilid ang Propeta Iesa (as) ay nagsabi;
"Sa Ngalan ng ALLAH na nagbigay sa atin ng Himala, sabihin mo sa akin kung sino ang kumuha sa tinapay."
"Hindi ko alam."
Parehong sagot ng lalaki.
Ganun paman, sila ay nagpatuloy, hanggang sa sila ay makarating sa Desiyerto.
Sila ay huminto, umupo sa buhangin ang Propeta Iesa (as) at inipon ang buhanging malapit sa kanya, nang itoy dumami, siya ay nanalangin sa ALLAH.
Mayamaya pa'y bumulaga sa harapan nila ang maraming ginto, nagiging ginto ang buhanging kanyang inipon.
Labis ang pagtataka ng lalaki.
Pagkaraan, hinati ng Propeta ang ginto ng tatlong bahagi, siya ay nagsabi;
"Ang isang bahaging ito ay para sa akin, ang ikalawang bahaging ito ay para sa iyo, at ang ikatlong bahaging ito ay para sa taong kumuha sa tinapay."
"Ako po ang taong iyon, ako ang kumuha sa tinapay."
Dali-daling sabi ng lalaki.
"Kung gayon, ang nais mo lamang ay ang mga gintong ito, kaya itong parte ko ay ibibigay ko narin sa iyo."
Pagkasabi, ay umalis ang Propeta Iesa (as) at iniwan ang lalaki kasama sa maraming ginto na kanyang minahal.
Habang nag-iisip ang lalaki kung ano gagawin sa maraming gintong nasa kanyang harapan ay biglang sumulpot mula sa kung saan ang dalawang tulisan.
Lumapit ito sa kanya, siya ay nanginginig sa takot, kanyang sinabi;
"Maawa kayo, huwag ninyo akong patayin, kung nais ninyo, ibibigay ko sa inyo ang kalahati nitong aking ginto."
Sa di-malamang dahilan ay sumang-ayon ang dalawang tulisan.
Maya-maya pa'y sinabi ng isang tulisan;
"Ako'y nakakaramdam ng gutom, maari bang ikaw ay aming mautosang bumili ng makakain nating tatlo?"
"Huwag kang mag-alala, mga tulisan man kami subali't meron kaming isang salita."
Dugtong ng isang pang tulisan.
Hindi nakatanggi ang lalaki.
Habang naglalakad, ay meron siyang naisip, isang paraan upang makuha niyang muli ng buo ang mga ginto.
Samantala.
Ang dalawang tulisang naiwan ay nagkasundo na kapag bumalik ang lalaki ay kanila itong papatayin.
Sa kabilang banda, nang makabili ng pagkain ang lalaki, agad itong bumalik upang isakatuparan ang binabalak, ang dala niyang pagkain ay nilagyan niya ng lason upang lasunin ang dalawa.
Ang hindi niya alam ay nakaabang na sa kanya ang mga ito upang patayin siya.
Nangyari nga, pinatay ng dalawa ang lalaking may-ari ng ginto, pagkaraan, dahil sa gutom ang mga ito, kinuha nila ang pagkain at kumain silang dalawa.
Lingid sa kanilang kaalaman na ang pagkaing iyon ay mayroong lason.
Dahil walang pinagkaiba ang tatlo, pareho din sila ng kinasasapitan.
Ang kamatayan.
Sa mga sumunod na araw, Ang Propeta Iesa (as) kasama ang kanyang kasamahan ay napadaan sa gawing iyon.
Naroon ang maraming ginto, at sa paligid nito ay ang tatlong bangkay.
Ang kanyang mga kasamahan ay nagtanong;
"O Propeta ng ALLAH! Ano ito?"
Ang Propeta Iesa (as) ay sumagot;
"Yan ang mundo, kaya mag-ingat kayo."
wakas. . .
Isinalaysay ni Abu Sa'eed (ra); Ang Propeta Muhammad (salaLLAHu alaihi wasallam) ay nagsabi;
"Ang Mundo ay sariwa at matamis, at gagawin ng ALLAH ang sunod-sunod na henirasyon dito, kung kaya tingnang mabuti ang bawat gagawin, at mag-ingat sa (tukso nitong) mundo, at mag-ingat sa (tukso ng) mga babae."
[Sunan Ibn Majah, Aklat 36, Bilang 4135]
Nawa'y mayron kayong aral na napulot.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment