Pages

Saturday, December 12, 2015

• GAYUMA PARA HINDI NA MAKAPAG-ASAWA SI MISTER NG IBA •



Isang ginang ang lumapit sa isang eskolar upang magtanong hinggil sa gayuma.

Ginang;
"Alim, maari mo ba akong turuan kung paano ang manggayuma?"

Eskolar; bahagyang nagtataka.
"Bakit, at saan mo gagamitin ang gayuma?"

Ginang;
"Sa asawa ko, gusto ko lang na mahalin niya ako ng totoo, at ako lang ang asawa niya."

Eskolar; Nakitaan ng pinong ngiti.
"Ah, ganun ba? Sige tuturuan kita."

Ginang; Natuwa.
"Ano ang dapat kong gawin?"

Eskolar;
"Una, nangangailangan tayo ng balahibo ng liyon."

Ginang;
"Ha, ah di bali, bibili nalang ako."

Eskolar;
"Hindi maari, kailangang ikaw mismo ang kumuha."

Ginang;
"Paano ako makakuha ng balahibo ng liyon?"

Eskolar;
"Humanap ka ng paraan, basta tandaan mo na hindi tayo maaring gumawa ng gayuma kapag wala ang balahibo ng liyon, at kailangang ikaw ang kumuha."

Dismayado ang Ginang, masyadong mahirap ang sinabi ng Eskolar, ganun paman, kailangan niyang makahanap ng paraan, kailangan niya ang gayuma.

Halus lahat ng makasalubong niyang tao ay tinatanong kung saan matatagpuan ang liyon, at paano ito hulihin, hanggang sa may nakapagturo sa kanya ng isang paraan.

Pinuntahan niya ang gubat na nabanggit, dala ang kanyang mga kinakailangan.

Karne raw ang magandang pain sa liyon, subalit ang hindi niya alam ay paano, paano nga ba hulihin ang liyon?

Unang araw, naglagay siya ng mga pain sa sinabing daanan raw ng liyon, pagkaraa'y nagtago siya sa di kalayuan.

Mayamaya pa ay lumabas nga ang liyon, malaki, mabangis, at nakakatakot. At nang mapansin nito ang mga pain niya, agad itong kinain hanggang sa naubos, ngunit hindi man lang niya magawang lumabas.

Sunod na araw, ganun din ang kanyang ginawa, at sinubukan niyang huwag magpalayo sa mga pain. Napapansin niyang tila naamoy siya ng liyon, ngunit kinain pa rin ang mga pain niya.

Pangatlo, ay nagpakita na siya sa liyon habang naglalagay ng mga pain, hanggang sa susunod na araw ay hindi na siya natakot sa liyon at hindi narin naiilang ang liyon sa kanya.
Nagawa na niyang lumapit sa liyon at subuan ito ng karne, hanggang sa nasanay na ang liyon sa kanya, nagawa na niyang haplusin ang ulo nito.

Sa ilang araw niyang pagtitiyaga ay tila napamahal na ang liyon sa kanya, nagawa na niyang patulogin ang liyon sa tabi niya, kung kaya napakadali nalang upang isakatuparan ang kanyang ninais, ang makakuha ng balahibo ng liyon.

"Tagumpay."

Agad siyang bumalik doon sa Eskolar.

Ginang;
"Alim, heto na po ang kakailanganin natin, ang balahibo ng liyon."
Wika niyang hawak-hawak ang balahibo ng liyon, puno ng tagumpay.

Eskolar; Nabanaag ang labis na pagtataka sa mukha.
"Ikaw ba talaga ang kumuha niyan?"

Ginang;
"Oo naman. Kaya gawin na natin itong gayuma."

Eskolar;
"Nakuha mo na ang gayuma."

Ginang;
"Ha? Paano ko nakuha, hindi pa nga tayo nakagawa."

Eskolar;
"Paano mo ba kinuha ang balahibong yan?"

Isinalaysay ng ginang ang ilang araw niyang pagtitiis sa gubat, ang kanyang sakripisyo at tiyaga, hanggang sa mapaamo niya ang liyon.

Eskolar;
"Umuwi ka na, kung nagawa mong mapaamo at mapamahal sa iyo ang isang mabangis na hayop, ang asawa mo pa kaya?

wakasss. . .



Walang pinakamabisang "gayuma" maliban sa pagmamahal at pang-uunawa.

Sinabi ng Propeta (salaLLAHu alaihi wasallam);
"Kung ang isang ginang ay namatay at iniwan ang asawang nasisiyahan o nalulugod sa kanya, siya ay makapasok sa Paraiso."

[at-Tirmidhi]

Mga Ginang, harinwa'y may napulot kayong aral sa ating kwento, tandaan;
"Kung nagtanim ka ng pagmamahal, asahang ito ay bubunga ng pag-ibig


No comments:

Post a Comment

Share