Pages

Saturday, December 12, 2015

Ang Paniniwala sa 'Qadaa' at 'Qadar '


Nararapat paniwalaan na nababatid ng Allah (U) ang lahat ng bagay bago pa man likhain ang mga ito at kung ano ang mangyayari o magiging kahihinatnan nila pagkaraan. Magkagayon, nilikha Niya ang lahat ayon sa Kanyang walang hanggang Kaalaman at Kasukatan (anyo, hubog, kulay, kalagayan at iba pa). Ang Allah (U) ay nagsabi;

"Tunay na Aming nilikha ang lahat ng bagay na may kaukulang Qadar (tadhana na itinakda sa lahat ng bagay bago pa man sila likhain at ito ay nakatala sa Al-Lauh Al-Mahfouz, ang Iniingatang Talaan ng mga Gawa)." (Qur'an 54:49)

Lahat ng pangyayaring naganap sa nakaraan, ang mga nangyayari sa kasalukuyan at ang mga mangyayari sa hinaharap ay ganap na nababatid ng Allah (U) bago pa man ito naganap. Pagkaraan, nilikha Niya ang lahat ng may buhay ayon sa Kanyang Kapahintulutan at Kasukatan. Ang Sugo ng Allah () ay nagsabi;

"Ang isang tao ay hindi itinuturing bilang Muslim maliban na siya ay maniwala sa Qadar, ang mabuti at masamang kinahinatnan. Dapat niyang malaman na anuman ang nangyari sa kanya ay nakatakda at hindi ito maiiwasan o malalagpasan (samakatuwid, sadyang nakatakdang mangyari para sa kanya), at anuman ang kanyang (inaakalang) nalagpasan o naiwasan ay sadyang hindi nakatakda na mangyayari sa kanya." (Tirmidhi)

Ang Paniniwala sa Qadar ay nangangahulugan ng Paniniwala sa apat na sumusunod;

1) Ang maniwala na lubos na nababatid ng Allah (U) ang lahat ng bagay na nangyayari at ang Kanyang Kaalaman ay nakapalibot sa lahat ng bagay at walang nakalingid sa Kanya (U) kailanman.
2) Ang maniwala na naitala na ng Allah (U) ang lahat ng bagay na mangyayari at ito ay pinangangalagaan at iniingatan sa 'Al-Lawh Al-Mahfuz' (Ang Iniingatan Talaan). Ang Propeta () ay nagsabi;
"Ang unang nilikha ng Allah ay ang Panulat, at sinabi dito, "Ikaw ay magsulat…" at sumagot, 'Ano ang aking isusulat?' "Isulat mo ang lahat ng mangyayari hanggang sa Araw ng Pagkabuhay Muli." (Abu Dawood)
3) Ang maniwala na walang pangyayari ang magaganap sa mga kalangitan o maging sa kalupaan maliban na ito ay sa Kapahintulutan ng Allah (U) at anuman ang hindi Niya pinahintulutan ay hindi magaganap o mangyayari.
4) Ang maniwala na ang Allah (U) ang Siyang lumikha sa lahat ng bagay. Walang ibang Manlilikha bukod sa Kanya, o walang ibang Rabb (Panginoon) bukod sa Kanya (U).

Ang paniniwalang ito ay hindi sumasalungat sa katotohanan na ang isang tao ay nararapat na magpunyagi upang makamtan niya ang kanyang minimithi. Upang maipaliwanag ito, kung ang isang tao ay nagnanais na magka-anak, kinakailangan niyang gawin ang mga bagay na nararapat upang makamtan niya ang kanyang minimithing layon; tulad halimbawa na siya ay dapat na mag-asawa. Pagkaraang magawa niya ang lahat ng nararapat gawin, siya ay maaaring pagkalooban ng anumang kanyang nais o hindi. Sa ganitong dahilan, ang tao ay makapag-iisip na kung ano ang kanyang ginawa upang makamtan ang kanyang minimithing layunin, ito ay hindi sapat o tunay na dahilan bagkus ang katuparan ng minimithing layunin ay nasa kapahintulutan ng Allah (U). At ang tunay na katuparan ng ating mga layunin ay nakapaloob sa Takda ng Allah (U). Ang Propeta () ay nagpaliwanag nang magtanong ang kanyang mga Sahaabah;
"'O Sugo ng Allah, ang mga Ayat (talata) ng Qur'an na aming binibigkas at ang aming mga panalangin at ang mga gamot na aming iniinom para sa aming lunas ay magpapabago ba sa Qadar ng Allah? Siya ay sumagot, 'Ang mga ito ay mula sa Takda (Qadar) ng Allah.'" (Hakim)


No comments:

Post a Comment

Share