AKING MGA SITES
Saturday, December 12, 2015
ANG MAHIKA, PANGHUHULA AT PANGKUKULAM
Ang mahika o salamangka (Sihr) ay isang gawaing Kufr [kawalan ng pananampalataya], at ito ay isa sa pitong malalaking kasalanan na magsasadlak sa tao sa Impiyerno. Nakapipinsala nguni't walang pakinabang. Ang Allah ay nagsabi tungkol sa mga taong nag-aaral at nagsasagawa nito:
وَيَتَعَلَّمُونَ مَا يَضُرُّهُمْ وَلا يَنْفَعُهُمْ
"At sila'y nag-aaral sa anumang nakapipinsala sa kanila at hindi nakapagbibigay pakinabang sa kanila". [Surah al-Baqarah 2:102]
وَلَا يُفْلِحُ السَّاحِرُ حَيْثُ أَتَى
"At ang salamangkero ay kailanma'y hindi magtatagumpay, kahit gaano pang kaalaman ang kanilang maabot" [Surah Taa-Haa 20:69]
Ang sinumang gumagawa ng salamangka ay Kaafir, batay sa sinabi ng ALLAH:
وَمَا كَفَرَ سُلَيْمَانُ وَلَٰكِنَّ الشَّيَاطِينَ كَفَرُوا يُعَلِّمُونَ النَّاسَ السِّحْرَ وَمَا أُنْزِلَ عَلَى الْمَلَكَيْنِ بِبَابِلَ هَارُوتَ وَمَارُوتَ ۚ وَمَا يُعَلِّمَانِ مِنْ أَحَدٍ حَتَّىٰ يَقُولَا إِنَّمَا نَحْنُ فِتْنَةٌ فَلَا تَكْفُرْ
"At hindi si Sulaiman ang sumuway, datapuwa't ang mga Shayaateen (mga demonyo) ang sumuway, sila'y nagtuturo sa tao ng salamangka at sa ibinaba sa dalawang anghel sa Babylon, na sina Haaroot at Maaroot, subali't ang dalawang anghel na ito ay hindi nagturo sa kahit kanino hanggang sa kanilang sinabi, 'Kami ay pagsubok lamang, kaya huwag kayong sumuway (sa pamamagitan ng pag-aaral ng salamangka mula sa amin)'". [Surah al- Baqarah 2:102]
Ang nakalaang parusa sa isang nagsasagawa ng salamangka ay kamatayan. Ang kanyang kinita ay itinuturing na marumi at Haraam. Ilan sa mga mangmang na mapaggawa ng masama at mahina ang pananampalataya ay pumupunta sa mga salamangkero upang tulungan silang maminsala o maghiganti. Ang iba ay nakagagawa ng kasalanan sa pamamagitan ng pagpunta sa mga salamangkero upang humingi ng tulong na alisin ang ilang salamangka o mahika na ibinato sa kanila, na kung tutuusin ay maaari naman silang bumalik sa Allah upang sila'y tulungan at pagalingin. Maaari nilang gawin ito sa pamamagitan ng pagbigkas ng Kanyang salita, katulad ng mga Surah na nagbibigay ng proteksiyon 18 [laban sa demonyo] atbp.
Ang mga manghuhula at ang mga katulad nila ay mga Kaafir na di-naniniwala sa Allah. Kanilang inaangkin na mayroon silang kaalaman sa mga hindi nakikita samantalang walang nakababatid nito maliban lamang sa Allah. Karamihan sa mga manghuhulang ito ay sinasamantala ang mga mangmang o inosenteng tao at kinukuha ang kanilang salapi. Gumagawa sila ng iba't ibang paraan, katulad ng pagguhit sa lupa, paghahagis ng suso, pagbabasa ng palad, baso, bolang kristal, atbp. Magtagumpay man sila ng isang beses, siyamnapu't siyam naman ang kanilang kasawian, nguni't ang naalaala lamang ng mga mangmang na tao ay ang isang tagumpay na nagawa ng mga sinungaling na salamangkerong ito. Pumupunta sila sa mga manghuhula upang malaman ang mangyayari sa hinaharap, kung magtatagumpay ba sila sa kanilang pag-aasawa, o sa kanilang kalakal, o para matulungan silang matagpuan ang isang bagay na nawawala atbp. Ang batas hinggil sa taong pumupunta sa manghuhula ay ang mga sumusunod: Kapag siya ay naniwala sa kanilang mga sinasabi, siya ay Kaafir at nilisan niya ang Islam, ayon sa Hadeeth, ang Propeta ay nagsabi: "Sinuman ang pumunta sa manghuhula o mangkukulam at naniwala sa kanyang sinabi ay nagtakwil sa anumang ipinadala kay Muhammad"19. Kung hindi naman siya naniwala na sila ay may kaalaman sa mga hindi nakikita, subali't siya ay pumunta upang mag-usisa o sa ibang kadahilanan, siya ay hindi Kaafir, datapuwa't ang kanyang pagdarasal ay hindi tatanggapin sa loob ng apatnapung araw, ayon sa sinabi ng Propeta: "Sinuman ang pumunta sa manghuhula at nagtanong sa kanya ng anumang bagay, ang kanyang pagdarasal ay hindi tatanggapin sa loob ng apatnapung gabi."20 Bagaman sinabi ito ng Propeta, kinakailangan mo pa ring mag-alay ng pagdarasal (sa loob ng mga araw na ito) upang humingi ng kapatawaran sa kasalanang ito.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment