Pages

Friday, December 11, 2015

ANG PAGMAMAHAL NG ISANG MAGULANG AY HINDI KUKUPAS

smile emoticonsmile emoticon

Noong unang panahon bago pa man ang pananakop ng mga hapon sa ating bansa, may isang sanggol na babae ang isinilang sa isang maliit na nayon. Subalit bago pa man siya isinilang ng kanyang ina ay pumanaw na ang kanyang ama ng dahil sa pagkakasakit. Ang masaklap nito, ang kanyang ina ay binawian din ng buhay sa oras pagkatapos na siya ay maisilang. Nang dahil sa pangyayaring ito, kinopkop siya ng kanyang butihing lola hanggang sa siya ay umabot sa edad na anim. Minahal siya ng kanyang lola ng katulad ng pagmamahal sa tunay na anak. Sa gulang na ito, ipinakita sa kanya ng kanyang lola ang lahat ng mga ari-ariang naiwan sa kanya ng kanyang naglahong mga magulang. Na siyang kinamkam ng kanyang mga kamag-anak bago pa man siya magdalaga. Subalit ang kayamanan ay hindi niya inisip bagkus ay ang pananabik sa pagmamahal ng mga magulang, - ng isang tatay at nanay.

Paglipas ng ilang buwan, ay yumao ang kanyang butihing lola na kanyang nakilala bilang kaisa-isang magulang. Sa puntong ito, parang nahulog sa kanya ang langit, parang nagtaob sa kanya ang lupa at langit. Anong sakit at takot ang kanyang naramdaman sa paglisan ng kanyang nakagisnang kaisa-isang magulang. Hindi malaman kung ano ang kanyang gagawin sa kanyang buhay, luha mula sa kanyang mga mata ay walang hanggan sa pagpatak sa lupa. Ang paghihinagpis na ito bilang isang bata sa sukdulang sakit na kanyang dinaranas ay nagdulot sa kanya ng panghihinang-loob at pagkabalisa. Sa murang edad na ito ay dumaan sa iba’t ibang uri ng hamon ng buhay na nagturo sa kanya upang maging matatag at bumangon sa kanyang sariling mga paa.

Kinopkop siya ng kanyang tiyahin. At masakit man sa kalooban, ginawa siyang parang alipin at inalila ng lubusan. Walang araw o gabing lumipas na hindi siya nakatikim ng hampas at kurot mula sa malupit na kamay ng kanyang tiyahin. Minsan pa ay hindi pinapakain, pinalalabas ng bahay sa hating gabi na walang magawa kundi umiyak ng dahil sa takot, tawagin ang kanyang lola at mga magulang sa gitna ng dilim. Umaga pa lamang ay pinaglalaba, pinag-iigib, pinagluluto, at iba pang mga gawaing bahay na hindi naaayon sa kanyang kakayahan bilang isang bata. Sa dami ng kanyang mga gawain, hindi man lamang siya nagkaroon ng pagkakataon upang makapag-aral sa paaralan. Ang mga pasaning kanyang dinaranas ay nagpatuloy hanggang sa magkaroon ng sariling pamilya. Ang malupit na karanasang ito ay nanatiling bangungot sa kanyang buhay.

At sa kanyang pagiging isang ina, anong hirap at sakit ang kanyang pinagdaanan mula sa kamay ng mga kamag-anak ng kanyang asawa. Nagmistulang katulong sa pagpapakain at pagsisilbi sa kanila mga pangangailangan hanggang sa kanilang naisipang magpakalayo nalamang at makipagsapalaran sa hamon ng buhay. Sa kanyang pagdadalang tao ay dumaan sa matinding paghihirap, hindi makahiga at hindi rin naman makaupo ng maayos. At sa kanyang panganganak ay naging kakambal niya ang kamatayan. Sa pag-aaruga at pagpapalaki sa kanyang mga anak, walang gabing lumipas na hindi niya iniwan ang kanyang higaan sa pag-aalaga sa kanyang mga anak. Walang masarap na pagkain ang dumaan sa kanyang lalamunan mapakain lamang ng maayos ang kanyang mga anak. Walang araw ang lumipas na hindi nabasa ng ihi at dumi ang kanyang kasuotan. Subalit ang lahat ng ito ay kanyang tiniis mamasdan lamang ang ngiti ng kanyang mga anak.

At sa kanyang katandaan, ay hindi kailanman nilubayan ng sari-saring problema at pag-aalala sa kinabukasan ng kanyang mga anak. Hindi hinahayaang lumipas ang gabi na hindi nakataas ang kanyang mga palad sa kanyang Panginoon habang pumapatak ang kanyang mga luha sa paghingi ng kapatawaran at mga biyaya para sa kanyang mga anak.

Ganyan ang ating mga ina mga kapatid sa Islam. Sa kabila ng ating mga pagkukulang sa kanila, hindi pa rin kumukupas o nababawasan ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga anak.



No comments:

Post a Comment

Share